NASABAT ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Cebu ang isang African national na nagtangkang magpasok ng iligal na droga na tinatayang nagkakahalaga ng ₱27 milyon sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA).
Ayon kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, na personal na dumalo at sumuri sa mga nakumpiskang kontrabando, naharang ang pasahero noong Setyembre 18, 2025 matapos dumating mula South Africa via Hong Kong.
Sa arrival screening sa Terminal 2, namataan ng X-ray scan ang kahina-hinalang imahe sa bagahe ng dayuhan. Matapos ang profiling at K-9 inspection, nagpositibo sa presensiya ng iligal na droga.
Sa isinagawang pisikal na pagsusuri, natuklasan ang dalawang pakete ng puting kristal na substansiya na nakatago sa loob ng bagahe. Umabot sa apat (4) na kilo ang timbang ng nakumpiskang shabu na kinumpirma ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Laboratory.
“We will continue to strengthen our detection and enforcement measures to ensure that our ports do not become entry points for these dangerous substances,” pahayag ni Commissioner Nepomuceno na pinuri rin ang koordinadong operasyon ng Port of Cebu, Customs Intelligence and Investigation Service, Enforcement and Security Service, at X-ray Inspection Project.
Nanindigan ang BOC na patuloy nitong ipagtatanggol ang bansa laban sa banta ng iligal na droga at paiigtingin ang seguridad sa lahat ng pantalan at paliparan sa Pilipinas. (MINA PADERNA)
