ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si retired Supreme Court Associate Justice Andres Reyes Jr. bilang chair ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na susuyod sa umano’y katiwalian at iregularidad sa mga flood control at iba pang proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan.
Sa press conference sa Malacañang nitong Lunes, Setyembre 15, sinabi ng Pangulo na natural na pagpipilian si Reyes dahil sa kanyang karanasan at integridad sa hudikatura.
“Ang kailangan natin ay isang tulad ni Justice Andy Reyes dahil siya ay dating justice. Alam niya kung paano dapat patakbuhin ang mga pagdinig at kung ito ay tama sa proseso,” pahayag ni Marcos.
Si Reyes ang pangatlo at huling miyembro ng ICI, kasunod nina dating DPWH Secretary Rogelio Singson at Rossana Fajardo ng SGV & Co. na una nang ipinakilala. Si Baguio City Mayor Benjamin Magalong naman ang magsisilbing special adviser at lead investigator ng komisyon.
Iginiit ni Marcos na magiging ganap na malaya ang operasyon ng ICI:
“It will be completely independent… Wala silang ugnayan sa alinmang bahagi ng pamahalaan kaya’t makakaasa ang publiko ng patas at malinis na imbestigasyon.”
Ayon sa Pangulo, ang mga miyembro ng ICI mismo ang nagpaabot ng kanilang kagustuhang agarang kumilos.
“I’m very encouraged because all of them are in agreement that we have to move very quickly,” aniya.
Sa panig ni Reyes, iginiit nitong dapat magkaroon ng pundamental na pagbabago sa pamamalakad ng mga proyekto at kung paano dinidinig ang mga kaso ng katiwalian.
Sino si Andres Reyes Jr.?
Ipinanganak noong Mayo 11, 1950, si Reyes ay ikatlong henerasyon ng mahistrado sa kanilang pamilya. Ang kanyang ama na si Andres Reyes Sr. ay dating presiding justice ng Court of Appeals, samantalang ang kanyang lolo na si Alex Reyes Sr. ay naging CA justice bago italaga sa Supreme Court.
Nagtapos siya ng Economics sa St. Mary’s College of California, Bachelor of Laws sa Ateneo de Manila University, at Master in Public Administration sa Philippine Women’s University.
Mahigit tatlong dekada siyang nagsilbi sa hudikatura. Una bilang trial judge mula 1987, kalaunan bilang associate justice ng Court of Appeals noong 1999, at naging presiding justice ng CA noong 2010.
Itinalaga naman siya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Korte Suprema noong 2017 hanggang sa kanyang pagreretiro noong 2020.
Kilala si Reyes sa kanyang matatag na tindig laban sa pabor-pabor at sa kanyang boto sa makasaysayang quo warranto case na nagpatalsik kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno noong 2018. (BOYET BARBA JR)
