Nakatutok ang mata ng UAAP fans sa defending champion University of the Philippines (UP) Fighting Maroons at sa perennial contender na De La Salle University (DLSU) Green Archers sa pagsisimula ng Season 88 men’s basketball tournament ngayong weekend.
Bagama’t wala na sa lineup sina JD Cagulangan at Francis Lopez, kumpiyansa ang Maroons na mananatili silang matibay contender ngayong taon.
“The goal is still the same for us, in terms of our commitment on and off the court,” ayon kay UP assistant coach Christian Luanzon, sabay banggit na may mga bagong mukha na papalit sa mga nawalang players.
Unang sasalang si Noy Remogat bilang Maroon, kasama ng mga beterano tulad nina Gerry Abadiano at Harold Alarcon. May baon din ang UP na international exposure matapos mag-training sa Serbia, Japan, at South Korea.
Samantala, handa namang bumawi ang Green Archers matapos ang runner-up finish noong nakaraang season. Pumapasok ngayong taon sina Jacob Cortez at Mason Amos upang suportahan si Mike Phillips, na nasa kanyang huling playing year sa La Salle.
“I believe this one is one of the most competitive UAAP years… to win a championship in Season 88 really gonna take everything from you,” ani Phillips.
Sa opening games, haharapin ng UP ang UST Growling Tigers sa Linggo, Setyembre 21, sa Quadricentennial Pavilion, habang makakasagupa ng La Salle ang Adamson Soaring Falcons sa Sabado, Setyembre 20. (RON TOLENTINO)
