Habang patuloy na lumalabas ang mga pangalan ng sangkot sa maanomalyang flood control projects, nananatiling hindi kumbinsido ang taumbayan.
Para sa marami, tila maliliit na isda pa lamang ang lumulutang at hinihintay nilang mabunyag ang mas malalaking isda sa pamahalaan, mula sa ehekutibo, lehislatura, hanggang hudikatura upang mapatunayan na seryoso ang mga imbestigasyon.
Nagbabala rin ang publiko na maaaring makatakas sa bansa ang mga sangkot, gamit ang kanilang naipong yaman, kung hindi kikilos agad ang Palasyo.
“Kung hindi decisive si Pangulong Marcos Jr., baka tuluyan nang mawalan ng tiwala ang tao sa kanyang pamumuno,” ayon sa mga kritiko.
Sa pagpapatuloy ng privilege speech na “Flooded Gates of Corruption,” binunyag ni Senador Panfilo Lacson ang ugnayan ng dating DPWH Secretary Manuel Bonoan kay Candaba Mayor Rene Maglanque, tinaguriang “poster boy ng conflict of interest.”
Ayon kay Lacson, ang kumpanyang Globalcrete Builders na pinamunuan ni Maglanque ay nakakuha ng ₱2.195 bilyong flood control contracts mula 2018 hanggang 2024 sa Bulacan.
May koneksyon umano ito sa kompanyang MBB Global Properties Corp., kung saan kabilang ang mga anak nina Bonoan at dating DPWH Usec. Roberto Bernardo sa pamunuan.
“Ayaw siguro ni Bonoan na maungkat pa ang Globalcrete, kaya’t ipinapasa niya bilang ‘isolated cases’ ang mga ghost projects sa Bulacan,” ani Lacson.
Isiniwalat din ni Lacson ang tinaguriang Bulacan Group of Contractors (BGC) Boys na mga DPWH officials na umano’y nagsusugal gamit ang perang galing sa flood control projects.
Batay sa dokumento ng PAGCOR, umabot sa ₱950 milyon ang kabuuang talo ng lima sa casino, kabilang sina Henry Alcantara, Brice Ericson Hernandez, Jaypee Mendoza, Arjay Domasig, at Edrick San Diego.
Nagpakilala pa raw sila gamit ang pekeng pangalan at LTO driver’s license para maitago ang pagkakakilanlan. Bukod dito, nakapagtala rin sila ng “winning streaks” na posibleng money laundering scheme.
“Habang lubog sa baha ang Bulacan, ang BGC Boys nagpapakasasa sa pera ng bayan,” giit ni Lacson, na humiling sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na i-freeze ang kanilang bank accounts.
Hindi rin pinalagpas ni Lacson si DPWH Undersecretary Catalina Cabral na umano’y nag-alok kay Senate President Vicente Sotto III ng “insertions” para sa 2026 budget.
Ipinakita ng senador ang screenshot ng umano’y mensahe ni Cabral na humihingi ng priority projects na maisasama sa National Expenditure Program.
Samantala, sa Las Piñas, isinisi ng BF Resort Village Homeowners Association ang pagbaha sa kanilang lugar sa P101.9-milyong flood control project ng DPWH na inendorso umano ng pamilya Villar.
Ayon kay HOA president Euan Toralballa, mali ang disenyo ng proyekto dahil tinakpan at pinakipot ang natural na daluyan ng tubig sa Tartar Creek.
Bagama’t nakalista bilang contractor ang EF Chua Construction Inc., wala ang proyekto sa DPWH monitoring site. Public records naman ay nagpapakita na nakakuha na ito ng ₱2.24 bilyon na kontrata mula 2022.
