Inanunsyo ng Manila Electric Company (Meralco) ngayong araw ang P0.1852 kada kWh na bawas-singil sa kuryente ngayong Setyembre kaya nasa P13.0851 kada kWh ang kabuuang rate para sa isang pangkaraniwang pamilya.
“Para sa mga tipikal na customer na kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan, katumbas ito ng P37 na bawas sa kanilang kabuuang bill. Umaasa kami na ang bawas-singil na ito ay makatutulong sa aming mga customer,” ani Meralco Vice President at Head ng Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga.
Generation charge, hinatak pababa ang kabuuang singil
Ngayong Setyembre, bumaba ang generation charge nang P0.2603 kada kWh dahil sa mas murang singil mula sa mga Independent Power Producer (IPP) at mga Power Supply Agreement (PSA).
Nasa P1.3459 kada kwh ang nabawas sa singil mula sa mga IPP, habang nagtala naman ng P0.3660 kada kWh na tapyas sa singil mula sa mga PSA. Bunsod ito ng paglakas ng Piso kontra dolyar at pagbaba ng presyo ng fuel sa pandaigdigang merkado. Nakaapekto ang paglakas ng Piso sa 99% ng singil mula sa mga IPP at 57% ng mga singil mula sa mga PSA na dollar denominated.
Natabunan ng mga pagbabang ito ang mas mataas na singil sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at ang pagsisimula ng koleksyon para sa contract price adjustment ng Sual Power, Inc. (SPI) at South Premiere Power Corporation (SPPC).
Tumaas ang singil sa WESM ng P0.3785 kada kWh, dahil sa pagtaas ng average demand sa Luzon grid ng 182 MW at pagtaas ng average capacity on outage ng 132 MW.
Samantala, ang pagpapatupad ng mga contract price adjustment ng SPI at SPPC ay resulta ng naging desisyon ng Supreme Court tungkol sa pag-invoke ng “Change in Circumstance” na provision sa kontrata ng mga generation companies. Pinayagan na silang kolektahin ang karagdagang nagastos para sa fuel at inaprubahan na rin ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang P5.1 bilyon na singil. Kokolektahin ito sa loob ng anim na buwan simula ngayong Setyembre. Katumbas ito ng P0.26 kada kWh ngayong buwan.
Pinunan ng mga PSA, mga IPP, at WESM ang 65%, 29%, at 6% ng kabuuang kinakailangang supply ng kuryente ng Meralco.
Transmission at iba pang singil
Tumaas naman ng P0.1130 kada kWh ang transmission charge, isa sa mga pass-through na bahagi ng bayarin sa kuryente, bunsod ng mas mataas na mga ancillary service charge mula sa Reserve Market.
Nagtala naman ng P0.0379 kada kWh na pangkalahatang bawas ang iba pang singil kabilang na ang buwis.
Ang mga pass-through charge na generation at transmission ay ibinabayad ng Meralco sa mga power supplier at grid operator; habang ang buwis, universal charges, at ang Feed-in Tariff allowance ay inire-remit naman sa gobyerno.
Wala pa rin pagbabago sa distribution charge ng Meralco simula noong bumaba ito ng P0.0360 kada kWh para sa tipikal na residential customer noong Agosto 2022. Patuloy din na nakikinabang ang mga customer sa pagpapatupad ng distribution-related true-up adjustment, na katumbas ng bawas na P0.2024 kada kWh para sa mga residential customer.
Paalala sa ligtas at masinop na paggamit ng kuryente
Habang nagpapatuloy ang tag-ulan, pinaalalahanan ng Meralco ang mga customer nito na maging maingat sa paggamit ng kuryente, lalo na kung mayroong pagbaha.
Narito ang ilan sa mga electrical safety tip na maaaring sundin:
- Patayin ang main power switch o circuit breaker kapag may pagbaha.
- Panatilihing tuyo ang mga kamay kapag humahawak ng electrical appliances o anumang dekuryenteng kagamitan.
- Tiyaking tuyo ang lahat ng kable, konektor, at iba pang electrical devices bago gamitin.
- Kung nabasa ang mga saksakan o appliances, ipasuri muna ito sa lisensyadong electrician bago gamitin.
“Para naman mas mabantayan ang konsumo sa kuryente, pinaalalahanan din namin ang mga customer na ugaliin ang matalino at masinop na paggamit ng kuryente,” ani Zaldarriaga.
“Ilan sa mga praktikal na tip ay ang regular na paglilinis ng filter ng aircon at mga blade ng electric fan, bultuhang pagpa-plantsa ng mga damit, pag-iwas sa sobrang pagpuno ng refrigerator, at paggamit ng mga LED bulb para sa mas matipid na ilaw,” dagdag niya.
Maaari rin gamitin ng mga customer ang Meralco Mobile App Appliance Calculator para sa impormasyon tungkol sa konsumo ng kuryente ng mga gadget at mga appliance.
Para sa mga alalahanin tungkol sa serbisyo ng kuryente, maaaring i-report ito sa pamamagitan ng
My Meralco app o sa mga opisyal na social media account ng Meralco sa Facebook (www.facebook.com/meralco) at X na kilala dati bilang Twitter (@meralco). Maaari rin sumangguni sa pamamagitan ng pag-text sa 0920-9716211 o 0917-5516211 o pagtawag sa Meralco Hotline 16211.
