Nagbato ng mabibigat na akusasyon ang dating Bulacan First District Assistant Engineer na si Brice Hernandez laban kina Senators Jinggoy Estrada at Joel Villanueva, matapos niyang idawit ang dalawa sa umano’y 30% kickback scheme kaugnay ng mga flood control projects sa Bulacan.
Sa pagdinig ng Kamara nitong Martes, sinabi ni Hernandez na ilang DPWH engineers ang nagiging “bagman” para sa mga politiko.
“Si Senator Jinggoy Estrada, Senator Joel Villanueva, [DPWH] Usec. Robert Bernardo at District Engineer Henry Alcantara,” banggit niya.
Ayon kay Hernandez, nagbaba si Estrada ng ₱350 milyon na pondo para sa ilang proyekto noong 2025, kung saan sinasabing 30% ang SOP. Giit niya, naideliver umano ang pera matapos mailabas ang pondo sa General Appropriations Act (GAA).
Idinagdag pa niya na noong 2023, naglaan umano si Villanueva ng ₱600 milyon para sa flood control projects, na may kaparehong SOP na 30%. Aniya, naideliver raw ito sa bahay ng senador sa Bocaue sa pamamagitan nina DE Alcantara at dating construction chief na si Engineer JP Mendoza.
Tinukoy din ni Hernandez si Alcantara bilang “chief implementor” ng modus, na umano’y kumukuha ng 3% cut at hinihingan pa ang mga kontratista ng karagdagang 2% bilang “finder’s fee.”
Mariing itinanggi ni Estrada ang paratang at hinamon si Hernandez sa lie detector test.
“Talk is cheap — handa akong patunayan na kasinungalingan lahat ng sinasabi niya tungkol sa akin,” pahayag ng senador.
Si Villanueva naman ay kumambyo at binalikan ang Kamara, na aniya’y sangkot din sa eskandalo.
“Wala pong resibo, wala pong ebidensya. Pero patuloy po itong tinatanong. Hinahanap pa ba natin ang mastermind? Walang iba kundi si ‘Dracula’ na ginawang tagapagbantay ng Kamara sa national blood bank,” aniya, na tumukoy sa isang hindi pinangalanang opisyal.
Dagdag pa ng senador, hindi siya natatakot sa anumang “demolition job.”
Itinanggi rin ni District Engineer Henry Alcantara ang paratang na siya’y nagdedeliver ng pera sa mga politiko.
“Hindi po totoo na ako’y nagdedeliver sa mga senador. At si Senator Joel, wala pong flood control project noong 2023,” paliwanag niya.
Aniya, wala rin siyang personal na koneksyon kay Estrada kahit minsan siyang nagtrabaho sa Manila City Hall noong alkalde pa ang dating Pangulong Erap Estrada. “Trabaho lang po. Hindi ko po siya kaibigan, hindi ako nakakapunta sa kanila,” aniya.
