
Nagpaalala si Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte sa mga kapwa mambabatas na huwag gamitin ang kanyang pamilya bilang “panakip-butas” sa imbestigasyon ng anomalya sa flood control projects.
Binanatan ni Duterte ang biglaang pagliko ng tanong sa House Committee on Infrastructure kung saan inungkat ni Manila Rep. Joel Chua ang umano’y ₱51-bilyong pondo na naipondo sa Davao noong huling bahagi ng termino ng kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Anong klaseng hearing ba ito? Duterte kayo nang Duterte! Huwag puro tutok sa Davao — nasa inyo mismo ang baha at basura,” giit ni Pulong. Idinagdag niyang dapat ding busisiin ang IRA allocations ng mga lokal na pamahalaan sa Luzon at ng mga miyembro ng Makabayan bloc.
Mariin niyang tinuligsa ang imbestigasyon na umano’y ginagamit ang apelyidong Duterte para mailihis ang usapin.
“Panakip-butas na naman pamilya namin sa inyo ring mga korapsyon? Never ako nakialam sa mga budget hearing sa Kamara. May delicadeza ako, hindi kagaya ngayon na magkakamag-anak ang naglalaro sa budget,” pahayag ng kongresista.
Tinukoy pa niya na ang tunay na dapat pagtuunan ng pansin ay ang mga alegasyon laban kina House Speaker Martin Romualdez at Ako Bicol Rep. Zaldy Co.
“Balik niyo ‘yan sa usapang Romualdez at Zaldy Co para may maniwala sa inyo. Huwag gamita ang Davao at ang pamilya ko para lang ma-divert ang isyu at mailihis ang tunay na korapsyon,” dagdag ni Duterte.
Giit niya, walang itinatago ang Davao at bukas ito sa anumang pagsisiyasat.
“Klaro na klaro na ang layunin ng diversion na ito ay saksakin ang pamilya namin at depensahan ang inyong mga alyado. Pero hindi ako kagaya ng iba na puro satsat lang. On record, ako mismo ang humiling na tanggalin ang isang DPWH regional director dahil sa right-of-way corruption,” ani Pulong.
“Huwag ninyo kaming gawing panakip-butas. Stop dragging the Dutertes to cover up your mess. Focus on the real issues — flood control anomalies, payola, at ang mga opisyal na mismong umamin na nanuhol sila,” buwelta niya pa sa huli.
