Matapos ang biglaang pagpapatalsik kay dating Senate President Francis Escudero, umaalingawngaw ngayon sa social media ang panawagan ng publiko na sundan ito ng kaparehong “cleansing” sa House of Representatives, kabilang ang pagpapatalsik kay Speaker Martin Romualdez.
Ayon sa mga netizen, pinatunayan ng Senado na kayang igupo ang mga nakaugat na interes at katiwalian, matapos mapatalsik si Escudero na umano’y nasangkot sa budget insertions, pagtanggap ng donasyon mula sa contractor, kontrobersiya sa flood control projects, at ang mabagal na pag-aksyon sa impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte.
Bukod kay Escudero, napatalsik din sa “lightning coup” si Sen. Rodante Marcoleta, dating chair ng Senate blue ribbon committee na nagsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa halos isang libong flood control projects na kinasangkutan umano ng malawakang korapsyon.
Ngunit para sa tinaguriang “cyber mob,” naging “zarzuela” probe lamang ito na anila’y idinisenyo para pahiyain ang administrasyon.
Sa testimonya ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya, lumutang ang pangalan ng 17 kongresista at 8 opisyal ng DPWH, kabilang ang dalawang undersecretary, na umano’y tumanggap ng kickbacks mula sa mga kontratista.
Nagulat umano ang komite sa biglaang hakbang, ngunit sa botong 15 senador, pinatalsik si Escudero at ilang key officers:
- Sen. Jinggoy Estrada, napilitang bumitaw sa kanyang posisyon.
- Sen. Joel Villanueva, inalis bilang majority floor leader at pinalitan ni Sen. Juan Miguel Zubiri.
- Sen. Panfilo Lacson, naitalaga bilang Senate president pro tempore.
Batay sa mga insider, si Romualdez umano ang nag-orkestra ng galaw para makontrol ang sitwasyon at maiwasan ang mas malaking eskandalo.
Habang nakahinga ng kaunti ang mga netizen sa pagbabagong-liderato sa Senado, nanawagan naman sila na gawin din ito sa Kamara.
Paniniwala ng publiko, tanging sa pagpapatalsik sa mga nakalista sa exposé ng Discaya magmumula ang tunay na paglilinis sa mababang kapulungan.
Para sa ilan, hindi lang DPWH ang dapat busisiin. Nanawagan sila kay Pangulong Marcos Jr. na maglabas ng executive order para bumuo ng isang independent commission na tututok sa lahat ng uri ng graft at korapsyon sa ilalim ng ehekutibo.
Kasama sa panawagan ang pagsisiyasat sa iba pang ahensya gaya ng Commission on Audit (COA), dahil pinaniniwalaang mas malalim ang implikasyon ng anomalya, umaabot hanggang sa loob ng Palasyo.
Hiniling din ng publiko na hindi lang imbestigasyon kundi aktwal na paghahabla, hatol, at pagbawi ng nakulimbat na yaman mula sa matagal nang sistematikong korapsyon.
