Hindi natahimik si actress-host Maine Mendoza matapos pangalanan ng kontrobersyal na contractor na si Curlee Discaya ang kanyang asawa na si Rep. Arjo Atayde bilang isa sa mga umano’y mambabatas na nakinabang sa kickbacks mula sa flood control projects.
Sa pamamagitan ng kanyang social media account nitong Lunes, diretsahang itinanggi ni Mendoza ang akusasyon, na tinawag niyang “baseless” at walang matibay na ebidensya.
“Teka lang muna… those are baseless accusations. Please refrain from throwing hate and personal attacks at him, including me and our family until facts come out,” ayon sa aktres.
Dagdag pa niya, unfair umano na masangkot ang kanyang asawa at pamilya sa isyung wala namang kasiguraduhan. “Napaka-unfair,” giit ng dating “Yaya Dub” ng Eat Bulaga.
Iginiit din ni Mendoza na naninindigan siya sa tabi ng kanyang asawa.
“I am with my husband in this. Wala siyang ginagawang masama. He has been doing his best to serve the people of his district in Quezon City since the beginning,” aniya.
Bagamat mariin niyang ipinagtanggol si Atayde, nanawagan si Mendoza na ang tunay na may sala ang dapat managot.
“I sincerely hope and pray that the people who are truly responsible will be held accountable and that innocent individuals are spared from this mess,” pahayag ng aktres.
Samantala, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag si Rep. Atayde hinggil sa pagkakadawit ng kanyang pangalan sa listahan ng Discaya couple na iniharap sa Kongreso kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects. (MADS REYES)
