Sa kabila ng pahayag ng pamahalaan na pinaigting ang kampanya kontra cybercrime, dalawang Filipina ang humingi ng hustisya matapos silang mabiktima ng umano’y human trafficking scheme ng dalawang banyaga at isang Pinay recruiter na nagtulak sa kanila sa tinatawag na “per-per-view online shows.”
Sa kasong inihain sa Pasay City Prosecutor’s Office, kinasuhan sina Adel En Nouri, isang Italian na nakabase sa London; Centvin Menez, isang British-Indian national; at isang Pinay na nakilalang “Mami Jhane” ng paglabag sa Republic Act 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act) na inamyendahan ng RA 11862.
Ayon sa sinumpaang salaysay ng mga biktima noong Setyembre 4, nakilala nila si Mami Jhane na nagpakilalang manager ng Aqua KTV Bar sa Roxas Boulevard. Ang nasabing bar ay isinailalim na sa closure order matapos ang isang raid ng mga awtoridad noong nakaraang buwan.
Isinalaysay ng mga biktima na sila’y ni-recruit para sa mga online show kung saan pinilit silang magsagawa ng malaswang akto sa harap ng live video calls para sa mga banyagang customer.
Nakatanggap umano sila ng ₱8,000 kada session, may dagdag na bonus kung minsan. Una itong nangyari noong Mayo 19, gamit ang laptop at Viber account ni Mami Jhane.
Sa kanilang testimonya, lumabas na si Nouri ay regular na customer at kalaunan ay ipinakilala ang sarili bilang isang Italian na nagtatrabaho sa Harrods Department Store sa London. Minsan pa raw ipinakita nito ang kanyang bahay sa UK.
Si Menez naman ay hinihiling pa umanong magsuot sila ng school uniform sa mga palabas.
Nagpatuloy umano ang operasyon hanggang Agosto 2025, nang biglang maglaho si Mami Jhane. Makalipas ang ilang linggo, napag-alaman nilang ni-raid ang Aqua KTV, dahilan para matakot silang madamay.
Sa tulong ng abogado, nagpasya ang mga biktima na magsampa ng kaso laban sa tatlo para sa qualified trafficking, na may bigat dahil ginamitan ng information technology, kinabibilangan ng sindikato, at tumagal ng ilang buwan ang iligal na gawain.
Nakatakdang magsagawa ng preliminary investigation ang Office of the City Prosecutor upang matukoy kung may sapat na batayan para isampa ang kaso sa korte.
