
Parang kidlat ang naging Senate coup nitong Lunes matapos palitan ang liderato at iluklok si Sen. Panfilo Lacson bilang bagong chair ng Senate Blue Ribbon Committee na humahawak sa kontrobersyal na imbestigasyon sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Agad namang sinalubong ng mga netizen ang pagbabago, umaasang magiging mas seryoso at kredible ang imbestigasyon kumpara sa mga nauna na tinawag nilang “zarzuela” o palabas lamang.
Kahit pinalitan sa puwesto, kinilala naman ang nagawa ni Sen. Rodante Marcoleta, na nakakuha mula sa tinaguriang “flood control king and queen” Curlee at Sara Discaya ng listahan ng mga mambabatas, DPWH at ilang opisyal ng ehekutibo na umano’y tumatanggap ng kickback sa mga proyekto. Pagkalabas ng listahan, biglaang naganap ang coup na ikinagulat maging ng ilang kasamahan nilang loyalista.
Kasabay nito, umalingawngaw sa social media ang panawagang magkaroon din ng pagbabago sa liderato ng Mababang Kapulungan upang masimulan ang paglilinis laban sa kurapsyon. Ayon sa mga netizen, dapat ding busisiin ang papel ng mga opisyal sa ehekutibo at mga oversight agencies tulad ng Commission on Audit (COA).
Inihain na ng DPWH at COA sa Office of the Ombudsman ang mga audit report na nagrerekomenda ng kasong kriminal laban sa ilang opisyal at contractor sa Bulacan.
Lumabas sa ulat na daan-daang milyong pisong proyekto ang tinaguriang “ghost” o substandard na idinideklarang tapos ngunit hindi naman itinayo o sira-sira ang pagkakagawa.
Iginiit ni DPWH Secretary Vivencio Dizon na tuloy-tuloy ang paghahain ng kaso laban sa mga sangkot, habang inamin na higit sa 100 proyekto ang natuklasang “ghost” o depektibo.
Nag-volunteer naman sina Pacifico “Curlee” Discaya at misis niyang si Sara na maging state witnesses para isiwalat ang umano’y malawakang katiwalian sa DPWH at Kongreso.
Ayon sa kanila, handa silang tumestigo nang walang pamimilit upang “sabihin ang lahat ng katotohanan.”
Ang imbestigasyon ay bunsod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Agosto na may higit 6,000 anomalous flood control projects mula 2022.
Samantala, tiniyak ng Department of Budget and Management na mas marami pang contractor ang ibabawal makilahok sa mga proyekto ng gobyerno. Nauna nang tinanggal sa PhilGEPS ang ilang kumpanya na konektado sa mga Discaya.
Sumali rin sa panawagan para sa pananagutan ang mga dating heneral, negosyante, at church leader.
Ayon sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), dapat ibalik sa kaban ng bayan ang nakaw na yaman at huwag hayaang malunod sa baha ng kurapsyon ang kinabukasan ng bansa.
Nananawagan din ang iba’t ibang grupo tulad ng Conference of Major Superiors in the
(CMSP) para sa transparency sa mga kontrata at pagpapatibay ng mga mekanismo ng pagbabantay ng mamamayan. Para sa mga netizen, ang Senate coup ay simula pa lamang ng mas malalim na laban kontra korapsyon, isang laban na hindi lang dapat huminto sa blacklisting kundi dapat mauwi sa pagkakakulong ng mga tiwaling opisyal at contractor.
