
NADISKUBRE ng mga awtoridad ng Imus City Component Police Station ang nangyaring pagnanakaw ng anim na kalalakihan kabilang ang dalawang guwardiya na nagtatrabaho sa Shopwise Lancaster bandang alas-6:00 ng umaga nitong Lunes, Setyembre 8, 2025 sa Barangay Alapan 2-B ng Imus City, Cavite.
Base sa paunang imbestigasyon ng pulisya sangkot sa insidente ang apat na hindi pa nakikilalang suspek na pawang mga miyembro ng “Termite Gang” at dalawang security guard na naka-duty sa nasabing establisyemento na kinilalang sina alyas “Jessie”, tubong Bulilan, Maguindanao, at si alyas “Ramon”, residente ng Brgy. Navarro, General Trias, Cavite.
Natuklasan na naghukay ang mga suspek ng butas mula sa labas na nagsilbing daan papasok sa loob ng gusali. Pagkapasok ay nilooban ng mga suspek ang GCash machine at vault ng isang money exchange, at tinangkang buksan ang ATM machine ng Philippine National Bank (PNB) saka tumakas ang mga suspek gamit ang parehong butas na kanilang ginawa.
Ayon sa mga awtoridad, nagsilbing lookout ang dalawang guwardiya habang isinasagawa ng apat na suspek ang krimen. Hindi pa matukoy ang eksaktong halaga ng mga perang ninakaw sa naturang establisimyento.
Nagpapatuloy ngayon ang follow up investigation ng mga awtoridad at nagpakalat na rin ng mga tracker team upang malaman ang pagkakakilanlan ng iba pang mga sangkot at mapanagot sa nangyaring Insidente ng pagnanakaw. (KOI HIPOLITO)
