SIKSIK, liglig, at umaapaw sa mga kaalaman at karunungan ang naganap na Teacher Education Professional Caravan 6.0 ng ng Arellano University – Andres Bonifacio Campus, Lungsod Pasig, na ginanap sa Gymnasium nakaraang 06 Setyembre 2025 Sabado. Ang gawain ay ikalawa sa serye na pinangunahan ng School of Education, Industrial Arts, and Continuing Education, sa pamumuno nina Dr. Dominico C. Idanan, Assistant Vice President; Dr. Rose H.R. Dedace, Cluster Dean; at Dr. Michael C. De Guzman, BSEd Coordinator at Tagapayo, Young Educators Society (YES). Dumalo din sa nasabing pagtitipon ang mga kawani ng pamantasan, mga propesor at mga mag-aaral ng kursong edukasyon.

Si Prop. Juan Oliver S. Ofracio ng De La Salle-College of Saint Benilde ang naging panauhing tagapagsalita sa paksang “Enhancing Digital Communication Skills: Preparing Educators for Virtual and Hybrid Classrooms” kaugnay sa temang “Igniting EDTECH 6.0 as a Catalyst for Sustainable and Transformative Innovations in the
Fifth Industrial Revolution in Philippine Education.”
Ibinahagi ni Prop. Ofracio ang halaga ng pag-unawa at pagtugon ng guro sa kasanayan ng digital na pakikipagtalastasan upang makabuo ng relasyon sa mga mag-aaral, kapwa guro, at kaibigan kahit hindi magkasama sa personal. Malaki ang naitutulong ng digital upang maiparating nang malinaw ang mga ideya, plano, at layunin sa pagkatuto at pagaaral. Ang mahusay na digital communication skills (DCS) ay nakakatulong sa pagangat ng pag-aaral at pagtratrabaho, higit sa mga gawaing nangangailangan ng online collaboration. Higit sa lahat sa pamamagitan ng DCS ay napatataas ang produktibidad upang mas mabilis na matapos ang mga gawain at proyekto.
Kasama sa tinalakay ang Flexible Learning (FL) na paraan ng pag-aaral na nagbibigay ng kalayaan na pumili ng sariling oras, lugar, at paraan ng pagkatuto. Ang FL ay naglalayong matugunan ang iba’t ibang pangangailangan at estilo ng pag-aaral ng mga mag-aaral. Ang FL ay maaaring pumili ng sariling oras ang mag-aaral na kumportable at maginhawa sa kanila; maaaring pumili ng lugar kung saan ibigin; maaaring gumamit ng iba’t ibang kagamitan tulad ng libro, video, online course, at iba pa; at ang magaaral ay hindi kailangang sumunod sa tradisyonal na iskedyul ng klase.
Sa huling bahagi ng panayam ay tinalakay ang mahalagang papel ng Artificial Intelligence (AI) sa pagkatuto. Ang AI ay maaaring makatulong sa paglikha ng personalized learning plans na angkop sa mga pangangailangan at estilo ng pagkatuto ng mga mag-aaral. Maaari ding makapag-angkop ng mga kagamitan at gawain sa pagkatuto batay sa pangangailangan at antas ng pag-unawa ng mga mag-aaral. Malaki ang maitutulong ng AI sa pagbibigay nga access sa mga mag-aaral na may mga kapansanan o limitasyon, tulad ng mga text-to-speech system at speech recognition technology. Pinatutunayan lamang na ang AI ay may malaking potensyal upang mapabuti ang pagkatuto at pagtuturo sa pamamagitan ng pagbibigay ng personalized adaptive, at epektibong mga solusyon sa edukasyon.
Ayon kay Mary Liza C. Saycon, BSEd-Filipino 1st Year, “Ang pagdalo sa ganitong uri ng seminar ay nakakatulong lalo na sa aspeto ng pag-unlad ng kaalaman at kasanayan. Makakakuha ng mga bagong kaalaman at impormasyon tungkol sa isang partikular na paksa, kabilang na ang sa larangan ng pagtuturo.Makakatulong ito upang mapaunlad ang kasanayan at teknik na makakatulong sa kagaya kong ibig na maging gurong propesyonal sa hinaharap.”
Ang Young Educators Society (YES) na samahan ng mga mag-aaral sa kursong edukasyon ay naging punong abala na pinamumunuan ni Generoso S. Lubay bilang pangulo.
Pagbati sa buong pamunuan ng AU A. Bonifacio Campus at Young Educators Society para sa matagumpay na teacher caravan! Mabuhay!
