MILYONG-MILYONG piso ang kinikita ng mga sindikatong bumibili at nagbebenta ng mga nakaw na krudo at langis. Sa kanilang lengguwahe ito ang tinatawag na “paihi.”
Ang malaking sindikato ng paihi ay may kani-kanilang terminal sa Kamaynilaan at sa mga probinsiya. Kung may sindikato sa paihi, may organisadong sindikato naman sa “pasingaw.”
Ito naman ang pilferage o pagbabawas ng laman ng mga tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) o gas na pangluto na pag-aari ng mga lehitimong negosyante.
Ang mga napasingaw naman ay inililipat sa ibang tangke na ibebenta naman nang mura. Delikado ito at walang garantiyang ‘di magdudulot ng sakuna, tulad ng pagsabog ng substandard na lalagyan na ginagamit ng mga sindikato.
Ayon sa espiya ng Berdugo, laganap ang pasingaw ng LPG sa Valenzuela.
Hindi ko lubos maisip kung papaano nagkaroon ng lakas ng loob itong si alyas Dodong na magpatakbo ng illegal na pasingaw ng LPG sa Barangay Paso de Blas, mismong tabi ng Malinta Exit Service Road.
Pero ang mas mabigat na tanong, bakit tila walang naamoy sina Mayor Wes Gatchalian at Valenzuela Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento kaugnay sa pasingaw ng LPG ni alyas Dodong sa kanilang balwarte? Barado po ba ang kanilang mga ilong? Araykupo!
Dalawa lang ang posibleng sagot diyan: hindi nila alam o alam nila pero pinalalampas lang dahil mayroong nakikinabangan.
Ang tanong, magkano?! Atsetse…
Mga ka-Berdugo, bilang mamamayan, may karapatan tayong magtanong at magduda. Kung simpleng usapin ng seguridad ay hindi nila kayang tugunan, papaano pa ang mas malaking problema sa lungsod? Aber!
Para sa akin, malinaw ang dapat, tigilan ang iligal na pasingaw na ito at papanagutin si alyas Dodong. Hindi dapat hayaan na isang araw ay balikan tayo ng trahedya, saka pa lang kikilos ang mga taong may kapangyarihan.
‘Yan ay kung sensiro talaga sina Mayor Wes Gatchalian at PCol Talento sa kanilang tungkulin.
May kasunod pa! Abangan…
***
Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com.
