Umani ng papuri mula sa tennis legend na si Rafa Nadal ang Pinay tennis star na si Alex Eala matapos nitong masungkit ang kanyang kauna-unahang Women’s Tennis Association (WTA) title sa Guadalajara 125 Open sa Mexico nitong weekend.
Sa isang social media post nitong Linggo, Setyembre 7, pinuri ng retiradong dating world No. 1 mula Spain ang 19-anyos na Filipina.
“Congrats @AlexEala05 for your first WTA (trophy). I am happy and proud of what you are achieving for yourself and for the Philippines,” ani Nadal sa X (dating Twitter).
Si Eala ay produkto ng Rafa Nadal Academy sa Spain at patuloy na nagsasanay doon sa kanyang propesyonal na karera.
Ipinakita ng Pinay ang matibay na determinasyon matapos mabigo sa unang set, bago bumangon upang talunin si Panna Udvardy ng Hungary, 1-6, 7-5, 6-3.
Sa panalo, naging unang Filipina si Eala na nagwagi ng WTA crown, at umakyat din ang kanyang world singles ranking mula No. 75 tungo sa No. 61.
Kasunod nito, sasabak si Eala sa Sao Paulo Open sa Brazil ngayong linggo, kung saan siya ang nakatakdang maging ikatlong seed sa WTA250 event. (RON TOLENTINO)
