Lumabas sa mga pagdinig ng Senado na isang sindikato umano sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan First District Engineering Office ang nagpapatakbo ng bilyong-pisong raket mula sa mga proyektong pang-imprastraktura, gamit ang mga pekeng kontrata at “ghost projects.”
Ayon sa mga kontratista, kabilang sa mga pangunahing sangkot sina Henry Alcantara, dating district engineer na natanggal na sa puwesto, at ang kanyang mga deputy na sina Brice Hernandez at Jaypee Mendoza.
Sa testimonya ng kontratistang si Sally Santos ng SYMS Construction Trading, umabot umano sa P1 bilyon ang cash na personal niyang naideliver sa mga opisyal mula 2022 hanggang 2025.
Ang perang ito ay nagmula sa mga flood control projects na may kabuuang halaga na P9.8 bilyon, ngunit imbes na mapunta sa mga kontratista, napunta umano ito sa bulsa ng mga district engineer.
Aminado si Santos na ginagamit lamang ng mga opisyal ang kanyang lisensya kapalit ng 3% cut, habang sila rin ang gumagawa ng lahat ng dokumento at nagdidikta kung kailan papasok ang pondo sa kanyang account. Dahil sa limitadong kakayahan ng kanyang kumpanya, kumuha rin siya ng isa pang lisensya mula kay Mark Arevalo ng Wawao Builders, na kumikita naman ng 2.8% cut.
Iginiit ni Arevalo na ang nasa likod ng operasyon ay mga nasa loob ng DPWH mismo.
“Ang pagkakaalam ko po kasi ang nasa likod nito ay mga nasa loob po ng DPWH, kaya natatakot po kami,” aniya.
Sa pagharap sa Senado, itinuro ni Hernandez si Alcantara bilang “chief” ng operasyon, habang iginiit naman ni Alcantara na wala siyang direktang partisipasyon at pumirma lamang sa mga dokumento dahil sa pagtitiwala sa kanyang mga tauhan.
Lumabas din na madalas umanong magsama ang tatlong opisyal sa mga casino sa Metro Manila, kung saan nilalaro ang pera na galing umano sa mga kontrata.
Sa kabila ng sahod na humigit-kumulang P70,000 buwan-buwan, naiuugnay si Hernandez sa mga mamahaling kotse tulad ng Toyota Supra, Dodge Challenger, at Lamborghini Urus ng kanyang asawa, pati na rin sa mga motorsiklong Ducati at BMW.
Kabilang sa mga tinukoy na “ghost projects” ang isang P55-milyong flood wall project sa Baliwag, na iniulat na kumpleto na ngunit wala palang aktwal na konstruksyon. Ayon kay Santos, kumita lamang siya ng P1.65 milyon, samantalang ang mga engineer ay umani ng mahigit P53 milyon mula rito.
Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naghayag ng galit nang personal niyang makita ang proyektong hindi natapos. “I’m not disappointed. I’m angry,” ani ng Pangulo.
Dagdag pa rito, lumutang ang mga alegasyon mula kina Sarah at Pacifico “Curlee” Discaya, mga kontratista mula Pasig, na may ilang kongresista at mataas na opisyal na nanghingi ng 10% hanggang 25% kickback mula sa pondo ng DPWH.
Kung susumahin, halimbawa sa proyektong flood control sa Guiguinto, kumita si Santos ng tinatayang P2.9 milyon, si Arevalo ng P2.7 milyon, samantalang ang mga engineer ay nakinabang umano ng P93 milyon. Posible rin umanong may P23 milyon pang napunta sa mas mataas na opisyal.
Gayunpaman, sa kabila ng mga pagsisiwalat at pagtuturuan, lumalabas na ang mga maliliit na kontratista na kumita ng pinakamaliit ang siyang unang haharap sa kasong kriminal, habang nananatiling nakaligtas ang mas malalaking opisyal.
