Pormal nang inilunsad ng Department of Science and Technology (DOST) ang 2025 National Science, Technology, and Innovation Week (NSTW) Media Kickoff nitong Setyembre 8, sa Harolds Hotel, Quezon City.
Pinangunahan ni DOST Secretary Renato U. Solidum Jr. ang naturang aktibidad, kasama ang mga undersecretary na sina Maridon O. Sahagun, Leah J. Buendia, at Sancho A. Mabborang, mga assistant secretary na sina Maria Theresa De Guzman at Napoleon K. Juanillo Jr., at DOST Region 1 Regional Director Teresita A. Tabaog.
Gaganapin ang NSTW sa Nobyembre 18–21, 2025, sa Laoag City, Ilocos Norte, ang kauna-unahang pagkakataon na DOST Region 1 ang magiging host ng pambansang selebrasyon.
Binanggit ni Sec. Solidum ang thrust ng kagawaran na “Agham na Ramdam”, na layong maranasan ng mga Pilipino ang direktang benepisyo ng agham at teknolohiya sa kanilang pamayanan.
“We want science to be felt at the local level by our kababayans. Hindi lamang ito tungkol sa pagpapakita ng mga teknolohiya, kundi pagbubukas ng pinto para magamit at maisama ito sa pang-araw-araw na buhay,” ani Solidum.
May temang “Building Smart and Sustainable Communities,” tampok sa NSTW ang pagpapalakas ng kaalaman ng publiko sa agham at teknolohiya, pagpapakita ng kontribusyon nito sa pag-unlad ng ekonomiya, at pagbibigay-pugay sa mga siyentipiko, mananaliksik, at innovator na Pilipino.
Dumalo rin sa kickoff ang buong DOST OneSTIGlat family mula Region 1, pinangunahan nina Dir. Tabaog, DOST–Ilocos Sur Provincial Director Jordan L. Abad, DOST–Ilocos Norte Provincial Director Brian U. Rasco, at iba pang opisyal.
Tiniyak ng DOST Region 1 ang kanilang pangako na gamitin ang agham at teknolohiya para sa mas matatag, makakalikasan, konektado, at maunlad na mga komunidad. (MINA PADERNA)
