Dumalo si Mayor Isko Moreno Domagoso ng Maynila kasama ang mga opisyal ng Association of Philippine Journalists – Samahang Plaridel, Inc. na pinamumunuan ni Pangulo Evelyn Quiroz, sa seremonya ng pag-aalay ng korona ng bulaklak bilang paggunita sa ika-175 kaarawan ni Marcelo H. del Pilar, kinikilalang Ama ng Pamamahayag sa Pilipinas. Dumalo rin sa nasabing seremonya ang mga kasapi at opisyal ng National Press Club (NPC), mga kinatawan mula sa iba’t ibang media organization, at ilang lokal na opisyal. (MINA PADERNA)
Pinuri ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang mga opisyal at kasapi ng Association of Philippine Journalists–Samahang Plaridel, Inc. bilang inspirasyon sa susunod na henerasyon ng mamamahayag at hinamon silang manatiling tapat sa kanilang propesyon sa kabila ng paglaganap ng self-proclaimed journalists sa social media.
Sa isang 30-minutong talumpati sa makulay na seremonya para sa ika-175 na kaarawan ni Marcelo H. del Pilar, patron saint ng mga Pilipinong mamamahayag, hinimok ni Domagoso ang lahat ng responsableng media practitioners na itaguyod ang mga halimbawa ng buhay ng mga bayani at ipaalala sa kabataan ang kanilang ambag sa kalayaan.
“Sa pamamagitan ng mga pagdiriwang na gaya nito ng Samahang Plaridel at mga rebulto na gaya nitong kay Del Pilar, na hindi lamang bahagi ng disenyo sa isang lugar, ay maipapaalala natin sa lahat ang kahalagahan ng kanilang mga naging papel sa ating tinatamasang kalayaan,” ani Domagoso.
Binigyang-diin din niya ang halaga ng katotohanan sa pamamahayag, at ang panganib ng pekeng balita at self-proclaimed media.
“Freedom is not free. Freedom comes with responsibility… Sa panahon ngayon ng makabagong teknolohiya, uso ito ngayon, na parang lima singko. Anyone can say reporter ako, media ako. This is dangerous.”
Ani Domagoso, ang tunay na mamamahayag ay hindi kailangang manira o magbigay ng pekeng balita. “Kaya natutuwa kami na may organisasyon na gaya ng Samahang Plaridel na maaaring naming puntahan at paniwalaan… Kwento na maaaring kapulutan ng aral.”
Dumalo rin sa seremonya sina Mrs. Rica Pauline Villegas, great-great granddaughter ni Del Pilar, at Samahang Plaridel president Evelyn Quiroz, na nagtaguyod ng ethical journalism laban sa fake online news.
Samantalang si Samahang Plaridel chairman at Manila Standard publisher Rollie Estabillo ay nagbalik-tanaw sa pagsilang ng organisasyon noong 2002, na binuo ng mga batikang Pilipinong mamamahayag tulad nina Max Soliven, Adrian Cristobal, Neil Cruz, Julie Yap-Daza, at Carmen Guerrero Nakpil.
Kasama rin sa okasyon ang Barangay 701 Zone 78 Chairperson Lilian Papa at mga miyembro ng Tanghalang Banyuhay, Inc. sa pangunguna ni Roderick Alo. (MINA PADERNA)
