
Sinampahan ng kaso ang negosyanteng si Robert John L. Sobrepeña, dating chairman ng Camp John Hay Development Corporation (CJHDevCo), at si Ramon G. Jimenez, dating board member ng kumpanya, dahil sa umano’y maanomalyang bentahan ng hotel unit lease rights na nagkakahalaga ng ₱11.2 milyon.
Ayon sa Baguio City Prosecutor’s Office, kinasuhan ang dalawa ng “other deceits” sa ilalim ng Article 318 ng Revised Penal Code matapos ireklamo ng mag-asawang Monica Carla at Erwin Galang.
Batay sa imbestigasyon, ipinagbili nina Sobrepeña at Jimenez ang lease rights ng dalawang unit sa The Forest Lodge Hotel, na sinabing valid hanggang Oktubre 7, 2046.
Gayunman, matagal nang binawi ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) ang orihinal na lease matapos maresolba ang sigalot laban sa CJHDevCo.
Sa resolusyon ng mga piskal na pinangunahan nina Prosecutors Ruth Bernabe at Immanuel Awisan, natuklasan na itinago umano ng mga akusado ang lease termination at hindi ibinalik ang pera sa kabila ng pormal na demand letter ng mga complainant.
Tinukoy ng mga piskal na malinaw na alam nina Sobrepeña at Jimenez na hindi totoo ang kanilang representasyon sa mga biktima.
Bunsod nito, kinatigan ni City Prosecutor Alfred Ganaban ang pagsasampa ng kaso. Ang “other deceits” ay isang bailable offense na may parusang arresto mayor (1–6 buwan pagkakakulong) at multang katumbas o mas mataas pa sa halaga ng pandaraya.
Hindi naman isinama sa kaso ang mahigit dalawang dosenang indibidwal kabilang sina dating DOJ Secretary Silvestre Bello III, swimmer Akiko Thomson-Guevara, at iba pang board members, dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Pinalaya rin sa pananagutan ang mga korporasyong CJHDevCo, Fil-Estate Management Inc. (FEMI), at REALS Corporation dahil hindi maaaring makulong ang mga korporasyon.
Gayunman, inamin ng mga piskal na posibleng mas marami pang sangkot sa anomalya at isinama ang ilang “John and Jane Does” para sa posibleng pagsasampa ng karagdagang kaso sa hinaharap.
Ito ang unang kasong kriminal na inihain laban sa mga dating opisyal ng CJHDevCo matapos ang 2024 Supreme Court ruling na nagpawalang-bisa sa kanilang lease agreement at ibinalik sa pamahalaan ang kontrol sa 247-ektaryang Camp John Hay.
Noong Enero 2025, tuluyang kinuha ng BCDA ang pamamahala sa naturang pasilidad.
