Binibigyang-diin ng Manila Electric Company (Meralco), sa pamumuno ni Manuel V. Pangilinan, ang mahalagang papel ng internal audit sa pagbabagong operasyon at inobasyon sa power sector, kasabay ng 2025 Heads of ASEAN Power Utilities/Authorities (HAPUA) Internal Audit Summit.
Sa kanyang keynote speech, sinabi ni Meralco Executive Vice President at Chief Operating Officer Ronnie L. Aperocho na lumalawak na ang papel ng internal audit mula simpleng compliance tungo sa pagiging aktibong katuwang sa risk-based decision-making at operational discipline.
“Sa pamamagitan ng pagsasama ng foresight sa audit at estratehiya, natitiyak naming ang pagbabago ay nagaganap nang may kontrol at hindi kaguluhan. Mahalaga ito habang tinutulak namin ang inobasyon nang hindi isinasakripisyo ang risk standards at regulasyon,” ani Aperocho.
Binigyang-diin naman ni Meralco Senior Vice President at Group Chief Audit Executive Melanie T. Oteyza ang kahalagahan ng auditing sa advanced metering infrastructure (AMI) na tinawag niyang “digital nervous system” ng makabagong utilities.
Ang AMI program ng Meralco ang nagsisilbing pangunahing suporta ng mga customer choice program ng pamahalaan, kabilang ang Retail Aggregation Program na nakapagtala ng matagumpay na switching ng 19 aggregated groups na may kabuuang 292 services hanggang Hunyo 2025.
Ayon kay Oteyza, nangangailangan ang auditing ng AMI ng mas malawak na pagtingin sa magkakaugnay na risk tulad ng cybersecurity, data integrity, vendor reliability, at regulatory compliance. Hinihikayat din niya ang mga auditor sa ASEAN na gamitin ang artificial intelligence at analytics para makadiskubre ng anomalies, makapaghanda sa kahinaan ng sistema, at masuportahan ang predictive decision-making.
“Dapat mag-evolve ang Internal Audit mula pagiging tagapagbantay ng compliance tungo sa pagiging katalista ng resilience at innovation. Hindi lamang tayo tagapangalaga ng value, kundi tagapagpalago rin nito,” giit ni Oteyza.
Idiniin niya ang mga aral mula sa global practices kaugnay ng AMI governance, cybersecurity safeguards, at data assurance, at nanawagan ng mas malawak na kolaborasyon at patuloy na pag-aaral sa ASEAN upang mapalakas ang audit maturity sa rehiyon.
Dinaluhan ng 150 delegado mula sa pitong bansa sa Timog-Silangang Asya ang HAPUA Summit na ginanap noong Agosto 13–14, 2025. Kabilang sa Philippine coalition ang Meralco, National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), National Power Corporation (Napocor), at National Transmission Corporation (TransCo).
Ang taunang summit ay nagsisilbing plataporma para sa ekspertong diskusyon at pagtutulungan upang palakasin ang audit practices sa rehiyon.
