Mariing kinondena ng National Press Club of the Philippines (NPC) ang naging pahayag ni Leyte 4th District Representative Richard “Goma” Gomez laban sa mga mamamahayag matapos hingan siya ng reaksyon ukol sa pagguho ng flood control structure sa Matag-ob, Leyte.
Noong Agosto 28, 2025, ipinost pa umano ng kongresista sa social media ang screenshots ng pangalan at contact details ng ilang reporter, isang hakbang na naglalantad sa mga ito sa posibleng harassment at malinaw na paglabag sa Data Privacy Act.
Ayon kay Gomez, tila may “sabwatan” umano laban sa kanya dahil magkakapareho ang mga tanong ng mga mamamahayag. Subalit giit ng NPC, normal at lehitimong proseso ang pagtatanong para mabigyang-linaw ang isyu at mabigyan ng pagkakataon ang opisyal na maipaliwanag ang kanyang panig.
Sa halip na sagutin ang usapin, pinili ni Gomez na atakehin ang kredibilidad ng media nang walang matibay na batayan.
“Paalala namin sa lahat ng opisyal ng gobyerno, kabilang si Rep. Gomez, tungkulin ng media ang maghanap ng katotohanan at tiyakin na lahat ng panig ay naririnig. Maaaring tanggihan ng opisyal ang pagkomento, ngunit hindi nila maaaring dungisan ang pangalan ng press nang walang ebidensya. Ang ganitong hakbang ay malinaw na pag-atake sa kalayaan ng pamamahayag at sa pundasyon ng demokrasya,” pahayag ni NPC President Leonel Abasola.
Dagdag pa ng NPC, mananatiling matatag ang media sa paghahanap ng katotohanan at pananagutin ang mga nasa posisyon, kahit pa hindi ito magustuhan ng mga makapangyarihan.
