Nagbabala ang Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa mga kontratistang sangkot umano sa mga peke o “ghost” na flood control projects: kapag di nagbayad ng tamang buwis, puwedeng bawiin ang kanilang tax clearance at tuluyang ma-ban sa government bidding!
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., sisimulan na ng ahensya ang malawakang imbestigasyon at audit sa mga kontratistang pinaghihinalaang kumikita mula sa mga kuwestiyonableng proyekto.
“Titingnan namin kung tama ba ang mga buwis na nire-report ng mga kontratista sa flood control projects at iba pang government contracts,” ani Lumagui.
Kasama rin sa susuriin ang tinatawag na “ghost projects” o mga proyektong ipinapakita lang sa papel pero hindi naman aktuwal na ginagawa.
“Kung may dineklarang gastos para sa proyektong hindi naman totoo, hahabulin sila sa tax deficiency,” dagdag pa ni Lumagui.
Ipinaliwanag din ng BIR na may kapangyarihan silang bawiin o hindi i-renew ang tax clearance ng sinumang mahuhuli, at kapag nangyari ito, awtomatikong disqualified ang mga kontratista sa mga susunod na public bidding ng gobyerno.
Sa madaling salita: kapag nahuli, goodbye kontrata!
