RIZAL – Dalawang magkahiwalay na insidente ng pagpapaputok ng baril ang nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang suspek sa bayan ng Cardona at Taytay nitong Sabado, Agosto 23, 2025.
Sa ulat ng Rizal Police Provincial Office (PPO), bandang alas-11:03 ng umaga ay nakatanggap ng 911 call ang Cardona Municipal Police Station hinggil sa umano’y pamamaril sa Brgy. Subay, Talim Island.
Agad rumesponde ang team na pinamunuan ni PMAJ Emmarie S. Ablao at naaresto ang suspek na si Gilbert, 53-anyos, residente ng Zone 1, Brgy. Subay.
Narekober mula sa kanya ang isang Rock Island caliber .45 pistol na nakarehistro sa kanyang tiyuhin na si Redentor S. Distor, kasama ang isang bakanteng magasin.
Ayon sa nagreklamo na si Liwayway, 50-anyos, pinaputok umano ng suspek ang baril habang nakatayo sa isang fish pen malapit sa kanilang bahay, dahilan para mabahala ang mga residente.
Nahaharap si Gilbert sa kasong paglabag sa Article 254 ng Revised Penal Code (Illegal Discharge of Firearm).
Samantala, dakong alas-10 ng gabi naman sa Brgy. Sta. Ana, Taytay, ay naaresto si Harry, 46-anyos, matapos magpaputok ng baril habang lasing at tutukan ng .38 revolver ang mag-live-in partner na sina Lady, 36 at Joeward, 31.
Nasa lugar ang mga nagpapatrulyang sina Pat. Jomaico Barrera at Pat. Raymund John Dichoso na agad rumesponde at dinakip ang suspek.
Nadala si Harry sa Taytay Emergency Hospital para sa medikal na eksaminasyon bago ibinilanggo sa Taytay MPS.
Mahaharap siya sa mga kasong Grave Threats, Indiscriminate Firing, at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sa ngayon, parehong nasa kustodiya ng pulisya ang mga suspek habang inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa kanila.
