PATAY ang tatlo katao habang dalawa ang sugatan matapos sumalpok ang isang van sa mga kabahayan sa Brgy. Abuyon, San Narciso, Quezon dakong alas-4:30 ng hapon nitong Agosto 23, 2025.
Kinilala ang mga nasawi na sina Florencio Macalindro Lumanglas, 62 anyos, residente ng Brgy. Abuyon, San Narciso; Merelyn Ilagan Lumanglas, 57 anyos, residente rin ng Brgy. Abuyon; at ang driver na si Efren Abit Balagosa, 45 anyos, mula sa Brgy. Sta. Lucia, Sta. Ana, Pampanga.
Sugatan naman sina Joey Plac Ilagan, 46 anyos, mula Padre Garcia, Batangas at Mary Jane Ilagan Balagosa, 48 anyos, mula Sta. Ana, Pampanga na kasalukuyan pang nagpapagamot.
Ayon sa imbestigasyon ng San Narciso Municipal Police Station, minamaneho ng suspek ang isang Hyundai Starex van (plate no. RFV 637) kasama ang kanyang mga pasahero nang mawalan ng kontrol at bumangga sa mga bahay nina Charlie Abadilla Rivano, 49 anyos at Dionisio Boc Cabalan, 38 anyos, na kapwa residente ng Brgy. Abuyon.
Agad na isinugod ang mga biktima sa Quezon Provincial Hospital Network, subalit idineklara nang dead on arrival ang tatlo habang patuloy namang ginagamot ang dalawang sugatan.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay ng insidente. (ERICHH ABRENICA)
