Nagbigay ng babala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa publiko laban sa vishing o voice phishing, lalo na ngayong papalapit na ang ‘ber’ months, ang panahon bago ang Kapaskuhan.
Ayon sa ulat, ang phishing ay karaniwang ginagamit upang nakawin ang personal na impormasyon ng biktima at kunin ang kanilang pera. Karaniwan itong ginagawa sa pamamagitan ng email o SMS, ngunit ngayon, ginagamit na rin ang vishing upang mahuli ang mga biktima nang walang babala.
Sinabi ni Robert Paguia, CICC division chief for international cooperation on cybercrime at data protection II officer, na nagpapakilala ang mga scammer bilang kawani ng bangko, SSS, o GSIS, at sinasabing kompromiso ang account ng biktima. Pagkatapos, ipapadala sa biktima ang link para kunin ang one-time password at PIN.
Isang biktima na tinukoy lamang bilang “Riza” ang halos naloko ng isang kumpanya ng e-wallet na tumawag at nagtatanong tungkol sa mga hindi inaasahang text messages.
“Nagdalawang isip na ako na bakit kailangan ko sabihin yung password ko po sa kanila na pinalit ko since it’s very private. Meron na silang spill, parang bihasa na sila for that, sa pang-scam,” ani Riza.
Ayon sa PNP-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) at NBI, tumataas ang insidente ng scamming ngayong papalapit ang Pasko. Sinabi ni Efren Abantao, senior agent ng NBI digital forensic lab, na sinusuri ng mga scammer ang trend ng ‘ber’ months—mga regalo, bonus, at pera—at target ang mga tao na makakuha ng mabilis na kita.
Pinayuhan din ng PNP-ACG director Police Brig. Gen. Bernard Yang ang publiko na huwag makipag-transaksyon sa mga kahina-hinalang tao.
Batay sa datos ng PNP-ACG, may 22,423 na naiulat na cybercrime cases noong 2024. Simula Disyembre 2024, humigit-kumulang 1,000 katao ang naaresto sa pamamagitan ng entrapment operations.
Ani Donald Lim, chairman ng Cybersecurity Council of the Philippines:
“Minsan, the cybercriminals have become so good, not only using AI but also psychology in tricking you… Kaya napakahalaga ng education campaign kasama ang mga bangko, e-wallets, at retail institutions para turuan ang publiko.”
Ang babalang ito ay paalala sa lahat na maging mapanuri at maingat sa pagtanggap ng tawag o mensahe, lalo na ngayong papalapit na ang Kapaskuhan. (LIMUEL TOLENTINO)
