Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Sabado, Agosto 2, ang paglulunsad ng malawakang estero cleanup campaign sa lungsod ng Pasig, bilang bahagi ng mas malawak na hakbang ng pamahalaan para sa pangmatagalang flood control at climate change adaptation.
Sa ilalim ng proyektong “Bayanihan sa Estero: Malinis na Estero, Pamayanang Protektado,” binigyang-diin ng Pangulo na walang silbi ang magagarang flood control infrastructure kung barado pa rin ang mga estero ng basura at putik.
“Magandang-maganda na lahat ng flood control projects natin, kapag ganito pa rin ang ating estero, eh wala rin. Mababaha pa rin tayo dahil walang madaanan ’yung tubig,” ani Marcos.
Ang proyekto ay pinangungunahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at layong linisin ang 23 priority esteros sa National Capital Region. Nilalayon nitong tanggalin ang solid waste, water hyacinths, at makapal na latak ng putik na bumabara sa daloy ng tubig, lalo na tuwing tag-ulan.
Ayon sa Pangulo, bago pa man pumasok ang Tropical Depression “Crising” sa bansa, nalinis na ang 12 sa target na 23 estero. “Makikita natin, kapag malinis ang mga estero, mabilis din mawala ang baha,” aniya.
Nanawagan si Marcos ng mas matagalang pagkilos at partisipasyon ng lahat ng sektor upang mapanatiling malinis ang mga daluyan ng tubig buong taon.
“Hindi na maaari na basta’t pababayaan natin na every year na lang, ganito ang nangyayari sa ating mga kababayan. Lahat ay kailangan natin makipagtulungan—local government, national government, MMDA, lahat ng mga volunteer groups ng civil society,” giit ng Pangulo.
Partikular na pinuri ni Marcos ang isang grupo ng mga military veterans na “nag-ampon” ng bahagi ng estero para sa regular na paglilinis. “Tama ’yan, magandang halimbawa sa atin ’yan. Bawal mag-retire,” pabirong sabi ng Pangulo.
Sa Buli Creek site sa Barangay Pinagbuhatan, personal na ininspeksyon ng Pangulo ang mga operasyong isinasagawa ng MMDA gamit ang barge at mabibigat na kagamitan para alisin ang makakapal na water hyacinths.
“Para silang Jesus Christ, lumalakad sila sa tubig,” biro ni Marcos habang pinagmamasdan ang mga manggagawang halos hindi na makita ang tubig dahil sa kapal ng halaman.
Binigyang-diin rin ni Marcos na hindi sapat ang paglilinis ng estero. Kailangan din aniyang tugunan ang deforestation sa mga kabundukan upang maiwasan ang pagguho ng lupa patungo sa mga daluyan ng tubig.
“Kasama sa watershed development na magtatanim tayo ng puno para hindi madala ng tubig ’yung lupa na dinadala dito sa mga creek natin,” paliwanag niya.
Dagdag pa ng Pangulo, dapat nang ituring ang mga sakunang dulot ng klima bilang normal at hindi pansamantalang pangyayari: “Kailangan na talaga tayong mag-adjust sa climate change.”
Kasama ng Pangulo sa nasabing aktibidad ang mga opisyal ng MMDA, at mga lokal na opisyal mula sa Pasig, Taguig, Malabon, at Taytay, kung saan isinagawa rin ang sabayang paglilinis ng estero.
Ang Buli Creek ay isa lamang sa 273 natural waterways sa Metro Manila na itinuturing na kritikal sa daloy ng tubig-baha at kaligtasan ng mga komunidad sa panahon ng kalamidad.
