Habang patuloy na tinatapos ang power restoration sa mga lugar na naapektuhan ng southwest monsoon o Habagat, isinagawa ng Manila Electric Company (Meralco) ang mas pinasiglang relief operations upang tulungan ang mga pamilyang lubhang nasalanta ng matitinding pag-ulan at pagbaha.
Sa pangunguna ng One Meralco Foundation (OMF), libo-libong relief packs ang naipamahagi ng mga employee volunteers sa higit 2,600 pamilya mula sa mga lungsod ng Caloocan, Las Piñas, Makati, Marikina, Muntinlupa, Pasig, Quezon City, Taguig, at Pateros sa Metro Manila; Bustos, Calumpit, Hagonoy, Obando, at San Jose Del Monte sa Bulacan; Cainta, Montalban, at San Mateo sa Rizal; Calamba, Calauan, San Pablo, Sta. Cruz, at Sta. Rosa sa Laguna; at Amadeo, Dasmariñas, at Ternate sa Cavite.
Ayon sa Meralco, halos tapos na ang power restoration sa mga naapektadong lugar, maliban sa ilang bahagi na nananatiling lubog pa rin sa baha. Tiniyak ng kompanya ang kahandaan nitong agad na i-energize ang mga natitirang lugar oras na maging ligtas na ang sitwasyon.

“Lubos po ang aming pasasalamat sa pasensiya at pag-unawa ng aming mga customers, gayundin sa tulong at koordinasyon ng Department of Energy at mga lokal na pamahalaan upang masigurong ligtas at mabilis ang pagbabalik ng serbisyo,” pahayag ni Froi J. Savet, First Vice President at Head of Networks ng Meralco.
Dagdag pa ni Savet, patuloy na minomonitor ng Meralco ang kalagayan sa mga lugar na apektado, partikular sa Bulacan, at handa silang ibalik ang kuryente sa lalong madaling panahon kapag humupa na ang tubig-baha.
Kasabay nito, pinaalalahanan din ng Meralco ang publiko na maging maingat at sundin ang mga tamang electrical safety measures, lalo na habang nagpapatuloy ang pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.
Ang relief operations ng Meralco ay bahagi ng patuloy nitong adbokasiya na tumugon hindi lamang sa serbisyong elektrikal kundi pati na rin sa kalagayang panlipunan ng mga komunidad na kanilang pinaglilingkuran.
