“Ilang segundo lang ang lahat,” ayon sa mga nakaligtas sa trahedyang pagtaob ng isang tourist boat sa kilalang destinasyon sa Vietnam na Halong Bay, kung saan hindi bababa sa 35 ang nasawi at apat pa ang nawawala matapos tamaan ng biglaang thunderstorm noong July 20, 2025 ng hapon.
Ayon kay Nguyen Hong Quan, isa sa sampung nakaligtas, “Labinlimang minuto nang umuulan, tapos biglang may kidlat, kulog, at isang dambuhalang alon ang tumama. Agad na tumaob ang bangka. Ilang segundo lang talaga.”
Ang sakunang ito ang tinuturing na isa sa pinakamalubha sa mga nagdaang taon sa UNESCO World Heritage Site na Halong Bay, isang arkipelagong binubuo ng libo-libong limestone islands sa hilagang Vietnam, humigit-kumulang 200 kilometro mula sa Hanoi.
Ayon sa ulat ng gobyerno ng Vietnam, 49 katao ang sakay ng bangka nang mangyari ang insidente.
Si Quan, 40 taong gulang, ay iniulat na lumutang sa dagat ng halos tatlong oras gamit lamang ang isang kahoy na upuan mula sa nasirang bangka. Kasama niya sa pagkakapit sa upuan ang dalawa pa, ngunit isa lamang sa mga ito ang nakaligtas.
“Napagod na ‘yung isa, hindi na kinaya. Nakakalungkot, napakalaking trahedya,” ani Quan.
Ang kanyang salaysay ay tugma sa kuwento ni Vu Anh Tu, 25-anyos at miyembro ng crew, na siya ring kumapit sa parehong upuan upang mabuhay.
“Masyadong malalaki ang alon. Yung isa sa kasama namin, tinawag kami pero sinabi niyang hindi na niya kaya. Nagpaalam siya,” ayon kay Tu.
Dagdag pa ni Tu, tumama ang bagyo sa loob lamang ng 15 segundo, dahilan ng mabilis na pagtaob ng bangka.
