Magandang balita para sa mga motoristang binayo ng bagyo: Inanunsyo ng Land Transportation Office (LTO) na waived o libre muna ang lahat ng penalties sa late registration ng sasakyan, renewal ng driver’s license, at traffic violations sa mga lugar na tinamaan ng sunod-sunod na kalamidad!
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magbigay ng maximum assistance sa mga Pilipinong sinalanta ng bagyong Crising, Dante, at Emong, na nagdala ng matitinding pagbaha sa Luzon at iba pang bahagi ng bansa.
Sa memorandum na nilagdaan ni Acting Assistant Secretary Atty. Greg G. Pua, Jr., ipinahayag na ang waiver ay sakop ang mga penalties mula Hulyo 21 hanggang Hulyo 25, at pinalawig ang bisa ng rehistro at lisensiya hanggang Agosto 8, 2025.
Libreng-libre muna ang mga sumusunod:
- Weekly surcharge para sa late registration ng motor vehicle
- Penalty sa late renewal ng driver’s license
- Parusa sa mga hindi agad nairehistrong sasakyang binili mula Hulyo 21–25
- Multa sa mga nahuling traffic violations sa parehong petsa
Para sa mga bumili ng bagong sasakyan mula Hulyo 21–25, ang bilangan ng araw sa Sales Invoice ay magsisimula na lang sa Agosto 8, kaya hindi agad papatungan ng penalty kung ‘di pa rehistrado.
Dagdag pa ni Pua, ang mga nahuling motorista mula Hulyo 21–25 ay may palugit hanggang Agosto 8, 2025 para magbayad nang walang karagdagang penalty. Ayon sa tala, higit 2.7 milyong katao ang apektado ng pagbaha at pinsalang dulot ng mga bagyo at habagat.
