“DI KO MAPINTA!” Ganiyan inilarawan ni Jericho Cruz ang nararamdaman matapos niyang hirangin bilang Finals MVP ng PBA Season 49 Philippine Cup, kasunod ng panalo ng San Miguel Beermen kontra TNT Tropang Giga, 107-96, sa Game 6 ng kampeonato.
Halos mawalan ng salita si Cruz sa post-game press con habang nakaupo sa tabi ng balik-kampeon na si Coach Leo Austria.
“Di ko maisip eh, di ko mapinta kung ano ‘yung mga words na dapat kong sabihin,” wika ng 34-anyos na swingman.
Nagpasalamat siya nang todo kina SMC big boss Ramon S. Ang at sports director Alfrancis Chua, na siyang tumulong para makalipat siya mula NLEX papuntang San Miguel.
“Gumanda ‘yung buhay ko nung napunta ako sa San Miguel,” ani Cruz.
Pero higit pa sa kampyonato, hindi inasahan ni Cruz ang MVP award. Para sa kanya, normal lang na ipakita ang emosyon sa laro — may magalit man o matawag siyang mayabang, basta’t nananalo ang team.
“Laruin mo lang laro mo, hayaan mo ‘yung mga haters… basketball lang naman ‘to, di ka naman nananakit,” ani Cruz, na inihayag ang payo sa kanya ni Chua.
Sa Game 6, si Cruz ang naging mitsa ng second half rally ng Beermen, matapos ang isang tres at four-point play na nagpagulo sa crowd. Umiskor siya ng 11 sa kanyang 13 points sa third quarter pa lang.
Sa buong serye, nag-average si Cruz ng 14 points, 3.5 rebounds, at 2.8 assists, at pinatunayan kung gaano siya kahalaga sa tagumpay ng SMB.
“Sobrang sarap ng championship na ‘to. Kakabalik lang ni Coach Leo, tapos bonus pa itong MVP award. Grabe lang,” ani Cruz habang pinipigilan ang emosyon. (RON TOLENTINO)
