MAKABULUHANG PAGWAWAKAS! Tampok sa panghuling episode ng “Maalaala Mo Kaya” (MMK) ang nakakagulantang na totoong kuwento ng isang dating snatcher na kalauna’y naging isang jail officer — at Kapamilya award-winning actor na si Zaijian Jaranilla ang gaganap sa pangunahing papel.
Sa Episode 13 ng MMK, na siyang pormal na pamamaalam ng pinakamatagal na drama anthology sa bansa, ibinida ang buhay ni Venerando “Andot” Ebarita Jr., ang ika-11 sa 13 magkakapatid, na lumaking salat sa buhay kaya’t napilitang pumasok sa mundo ng sugal at pagnanakaw para lang matulungan ang kanyang pamilya.
Pero sa isang trahedya, nabaril at napatay ni Andot ang isang biktima na nanlaban habang siya ay nagnanakaw. Dito nagsimula ang kanyang pagbagsak — at pagbangon. Inilagay siya sa isang youth rehabilitation center kung saan tuluyan siyang nagbago at piniling tahakin ang diretsong landas bilang isang lingkod-bayan.
Sa direksyon ni Raz de la Torre at panulat ni Akeem Datol del Rosario, itinampok ang kwento ng pagsisisi, pagbabayad, at pagbangon — at paano kahit ang isang kriminal ay puwedeng maging bayani sa tamang pag-gabay at determinasyon.
Kasama rin sa episode sina Rosanna Roces at Dominic Ochoa bilang magulang ni Andot, na tiyak na magpapaiyak sa mga manonood.
Ang director’s cut ng episode ay mapapanood nang eksklusibo sa iWantTFC, habang tuloy pa rin ang regular airing sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, at A2Z tuwing Sabado, 8:30-9:30PM.
