QUEZON CITY — Ipatutupad ang liquor ban sa buong lungsod ng Lunes, Hulyo 28, kasabay ng ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ayon sa Quezon City Police District (QCPD).
Ayon kay QCPD OIC Col. Randy Glenn Silvio, bawal magbenta, magpakalat, o uminom ng alak mula alas-12:01 ng hatinggabi hanggang alas-6 ng gabi alinsunod sa Executive Order No. 9, Series of 2025.
Layunin ng liquor ban na mapanatili ang kaayusan at seguridad sa lungsod, lalo na’t inaasahan ang pagdagsa ng mga raliyista, taga-suporta, at mga mamamayan sa paligid ng Batasang Pambansa.
Mahigpit na ipatutupad ang parusa sa mga lalabag batay sa umiiral na batas at ordinansa ng lungsod.
Hinikayat ng QCPD ang publiko, lalo na ang mga may-ari ng tindahan at negosyo, na sumunod sa panuntunan para sa kaligtasan ng lahat. Agad namang maaaring i-report ang mga lalabag sa Emergency Hotline 911 o QC Helpline 122.
“Ang Team QCPD ay handang-handa na para sa SONA 2025. Sa lahat ng QCitizens, makiisa po tayo sa pagsunod sa batas upang maging payapa at maayos ang araw ng SONA,” ani Col. Silvio.
Bukod sa liquor ban, inaasahan na rin ang mahigpit na checkpoint at rerouting sa ilang kalsada sa Quezon City bilang bahagi ng seguridad para sa malaking okasyong ito.
