Sa gitna ng event sa Seoul, inulan ng maaanghang na banat ni Vice President Sara Duterte si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ilang oras bago ang ika-apat nitong State of the Nation Address (SONA) bukas, Hulyo 28.
“Ayoko nang manood. Mangbubudol na naman sila!” mariing pahayag ni Duterte sa harap ng mga Pinoy supporters sa event na “Bring FPRRD Home Alive.”
Ayon sa Bise Presidente, wala umanong silbi ang panonood sa SONA ni Marcos dahil puro kasinungalingan at pangakong napako ang laman nito.
“Sayang ang data. Nati-trigger ako pag naririnig ko siya — minsan galit na ako, gusto ko nang basagin cellphone ko!” aniya.
Binira rin ni Duterte ang umano’y paulit-ulit na “pambobola” ng Pangulo tungkol sa mga proyektong hindi naman daw nararamdaman ng taumbayan.
“May bagyo, may baha — okay, new normal na raw. Eh bakit ang daming flood control projects kung ganyan rin lang? Baka pera lang ng bayan ang nilulunod diyan!” dagdag pa niya.
Hindi rin nakalusot sa matinding banat ni Duterte ang isa sa mga campaign promise ni Marcos — ang pababang presyo ng bigas.
“Bente ang bigas? Bugas nga! Hindi ko alam kung saan niya kinuha ‘yang ideyang ‘yan. Kung alam niyang hindi kaya, eh ‘di nangbudol siya sa tao!” giit ng Bise Presidente.
Binulgar din ni Duterte na tila maling proyekto ang pinupuntahan ng mga inuutang ng gobyerno.
“Ang laki ng utang ng Pilipinas! Kung magpapatayo ka sana ng tulay mula Sorsogon hanggang Samar, Leyte papuntang Surigao, okay lang. Pero saan napupunta? Walang kaunlaran!” aniya.
Habang si Pangulong Marcos ay patuloy na ipinamamalita ang umano’y mga infrastructure at economic progress ng bansa, tila hindi kumbinsido ang kanyang sariling Bise Presidente.
Sa kabila ng inaasahang engrandeng SONA bukas sa Batasan, tiniyak ni VP Sara na hindi siya manonood.
“Basahin ko na lang mamaya kung anong pambubudol ang pinakawalan na naman nila sa taong-bayan,” saad niya.
