
DAVAO CITY – Sa gitna ng mga isyu at kontrobersiya, tuloy ang “family reunion” ng mga Duterte.
Inanunsyo nitong Hulyo 22 ni Acting Davao City Vice Mayor Rodrigo “Rigo” Duterte II na bibiyahe sila patungong The Hague, Netherlands sa Agosto para dalawin ang kanyang lolo—dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Kasama niya sa biyahe ang kuya niyang si 2nd District Rep. Omar Duterte, kapatid nilang si Isabelle Duterte, at ang kanilang ama na si 1st District Rep. Paolo Duterte.
Ayon kay Vice Mayor Rigo, mahigit ilang buwan na raw nilang hindi nakikita si Digong na kasalukuyang nasa The Hague dahil sa patuloy na imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa kontrobersyal na anti-drug campaign noong kanyang termino.
“Hindi ko alam kung maiiyak ako pag nakita ko si Lolo,” sabi ni Rigo.
Nilinaw ng nakababatang Duterte na pamilya ang pokus ng pagdalaw, hindi pulitika.
“Gusto ko lang siyang mayakap at pasalamatan. Proud kami sa kanya, hindi lang bilang pamilya kundi bilang lider ng bayan,” dagdag pa ng vice mayor.
Plano rin umano ni Rigo na humingi ng payo kay Digong tungkol sa pamumuno at serbisyo publiko.
“Malaki ang naging impluwensya ni Lolo sa pulitika ng Pilipinas. Gusto ko matuto mula sa kanyang karanasan,” pahayag pa ni Rigo.
Kahit wala na sa puwesto si dating Pangulong Duterte, malaki pa rin ang kanyang impluwensya sa politika ng bansa, lalo na sa Mindanao at sa pamilyang Duterte.
