SAN PASCUAL, BATANGAS — Walang habas na sinalakay ng dalawang armadong magnanakaw ang isang bahay sa Villa Magdalena Subdivision, Barangay San Antonio, San Pascual, Batangas nitong Martes ng gabi, Hulyo 22. Iginapos at tinakpan pa ng masking tape ang bibig ng buong pamilya bago limasin ang kanilang mga ari-arian.
Ayon sa ulat ng pulisya, bandang alas-11:00 ng gabi nang harangin ng mga salarin ang biktimang si Gary Yabut Mabeza, 54, isang negosyante, habang nasa labas ng kanyang tahanan. Kapwa armado ng baril at nakasuot ng face mask ang dalawang suspek. Pilit siyang ipinasok sa loob ng bahay kung saan naroon ang kanyang asawa at dalawang anak.
Hindi rin pinaligtas ang kanyang pamilya—tinutukan ng baril, iginapos ang mga kamay gamit ang lubid, at tinakpan ang bibig ng masking tape para hindi makasigaw.
Nakuha ng mga salarin ang dalawang cellphone, halagang P80,000 cash, at mga alahas na tinatayang aabot sa P700,000 ang kabuuang halaga. Matapos ang mabilisang pandurukot, tumakas ang mga kawatan sa hindi pa matukoy na direksyon.
Wala ring nakakita kung anong uri ng sasakyan ang ginamit ng mga suspek. Sa ngayon ay puspusan ang follow-up operations ng San Pascual PNP at iniimbestigahan na ang mga CCTV sa paligid ng subdivision upang matukoy ang mga sangkot sa krimen. (ERICHH ABRENICA)
