Makikita sa larawan ang tatlong Chinese men na naaresto ng mga ahente ng BI-FSU. (ARSENIO TAN)
GENERAL TRIAS, CAVITE — Nasakote ng Bureau of Immigration-Fugitive Search Unit (BI-FSU) ang isang 26-anyos na Chinese national na sangkot umano sa ilegal na droga at human trafficking ng mga kababaihan sa isang operasyon nitong Hulyo 15.
Kinilala ang suspek na si Jin Tian, na nahuli sa mismong bahay nito sa General Trias, Cavite.
Ayon kay BI-FSU Chief Rendel Ryan Sy, kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine Navy sa ikinasang operasyon na nagresulta rin sa pagliligtas sa dalawang babaeng umano’y hawak laban sa kanilang kagustuhan.
Bukod kay Jin Tian, nahuli rin sa lugar ang dalawang iba pang Chinese national na sina Sun Yong, 36, at Liu Zhiwei, 33.
Si Sun Yong ay nahulihan ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia, ayon sa PDEA.
Nadiskubre ng Immigration na lahat ng tatlong Tsino ay overstaying at walang maipakitang valid immigration documents.
Si Jin Tian ay may dalawang active derogatory records kaugnay ng kasong overstaying, habang si Liu Zhiwei ay dinala na rin sa kustodiya ng Bureau of Immigration.
Si Sun Yong ay nasa PDEA na at sasampahan ng kasong may kinalaman sa droga.
Ang dalawang nasagip na babae ay kasalukuyang inaalalayan at iniimbestigahan ng mga kinauukulan upang malaman kung paano sila naloko at naipit sa iligal na gawain ng grupo. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kung may mas malawak pang sindikato sa likod ng operasyon ng mga banyagang suspek. (ARSENIO TAN)
