Matinding ulan at hangin ang hinarap ng mga pulis ng Pasig City Police Sub-Station 1 dahil sa bagyong Crising, pero hindi ito naging hadlang para masakote ang isang kawatan sa Brgy. Pineda, Pasig City kahapon, Hulyo 19, 2025.
Ayon sa ulat, bandang alas-6:45 ng umaga, tumawag sa E911 hotline ang biktimang si “Charmie,” 27 anyos, matapos madiskubreng ninakawan ang kanyang bahay sa Banaag Street. Nawawala ang kanyang company-issued laptop na nagkakahalaga ng P77,000, isang pouch na may P1,000 barya, at kanyang passport.
Pero hindi lang siya ang nabiktima!
Napag-alaman ng pulisya na pati ang mga kapitbahay niyang sina “Novie” at “Myrna” ay ninakawan din ng apat na cellphone—Samsung A5, A32, A56, at Vivo 1610—na aabot sa halagang P50,000, isang shoulder bag na may P40,000 halaga ng alahas, at ilang ATM cards at ID.
Mabilis na nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Pasig Elite Team, sa pamumuno ni PMaj Renato Seguban at sa direktiba ni PCol Hendrix Mangaldan. Nasakote ang 44-anyos na si “Archie”, na nahulihan ng ninakaw na shoulder bag.
Sa kuha ng CCTV, nakita rin ang kasabwat na si “John,” 21 anyos, na pumasok sa bahay ng biktima bago nagtungo sa bahay ni Archie. Si John ay kasalukuyang pinaghahanap pa.
Lumabas din sa rekord na si Archie ay dati nang naaresto dahil sa drug-related cases noong 2019 at 2023.
Pinasalamatan ni PCol Mangaldan ang kanyang mga tauhan sa mabilis na aksyon kahit binabayo ng bagyong Crising. Pinuri niya ang pagsunod ng mga pulis sa 5-Minute Response Time Strategy ng PNP para masigurong ligtas ang publiko kahit sa panahon ng kalamidad.
Isasampa na ang kasong Theft laban kay Archie sa Pasig City Prosecutor’s Office.
