Sa hindi inaasahang pagkakataon, nahuli ng Manila Police District (MPD) ang isang wanted sa kasong kidnapping matapos magwala sa Sta. Cruz, Manila.
Ayon kay PMaj. John Peter Fallar, hepe ng Plaza Miranda Sector 1 ng MPD Station 3, nagsasagawa sila ng regular na patrol at clearing operations sa kanto ng Gonzalo Puyat Street at Rizal Avenue nang lapitan sila ng isang concerned citizen.
Nagmamaktol at nagwawala umano ang isang lalaki matapos umatras ang buyer ng kanyang motorsiklo nang matuklasang may diperensya ito.
Agad na inaresto ng mga pulis ang nagwawalang suspek at dinala sa presinto. Ngunit laking gulat ng mga awtoridad nang matuklasang may warrant of arrest pala ito sa kasong kidnapping.
Ayon sa imbestigasyon, kasangkot ang 28-anyos na suspek sa pagdukot sa isang magsasaka sa La Trinidad, Benguet noong Abril 2025.
Kwento ni PMaj. Fallar, matapos dukutin ng suspek at mga kasamahan ang biktima, dinala nila ito sa General Trias, Cavite at doon pinaghintay habang hinihingan ng ransom ang pamilya. Kalaunan, hinihingi na rin umano ng grupo ang suplay ng marijuana kapalit ng kalayaan ng biktima.
Lumabas din sa rekord na dating nahuli ang suspek sa Caloocan City dahil sa bentahan ng marijuana. Sa ngayon, nasa kustodiya na ng MPD Police Station 3 ang suspek at haharap sa patong-patong na kaso. (ARSENIO TAN)
