Binuksan na ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina, katuwang ang Sakai Town ng Japan at Onodera User Run, ang isang libreng anim-na-buwang Nihonggo training program para sa mga estudyante at bagong graduate na nais magtrabaho sa Japan.
Pinangunahan ni Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro ang paglulunsad ng programa nitong Lunes, Hulyo 14, 2025, sa Pamantasan ng Lungsod ng Marikina (PLMar).
“Ang mga ganitong libreng language training ay nagbubukas ng mas malalaki at mas magagandang oportunidad para sa ating mga estudyante at fresh grads,” ayon kay Mayor Maan.
Dagdag pa niya, bukas na ang Onodera User Run facility sa Marikina para sa mga interesadong sumali. Partikular na target ng programa ang mga nais magtrabaho sa industriya ng caregiving, hotel accommodation, at food service—mga trabahong mataas ang demand sa Japan.
Ayon kay Mayor Maan, malaking hadlang para sa mga Pilipinong nais magtrabaho sa Japan ang kakulangan sa kaalaman sa wikang Nihonggo. Sa pamamagitan ng programang ito, nilalayon ng Marikina LGU na alisin ang balakid na iyon.
“Ito ay simbolo ng patuloy nating partnership sa Sakai Town at Japan. Pinapakita nito kung paano ang kooperasyon ng mga tao sa dalawang bansa ay nagdudulot ng tunay na benepisyo sa komunidad,” dagdag ng alkalde.
Tiniyak din ni Mayor Maan na hindi ito isang beses lang na programa. Layunin ng lungsod na gawin itong permanenteng bahagi ng workforce development agenda ng Marikina.
“Hindi lang ito para sa basic requirement. Inihahanda natin sila para sa long-term integration at tagumpay sa Japan,” sabi pa niya.
Inaasahan din ng lokal na pamahalaan na mas marami pang Marikeño ang magiging job-ready at makakapagtrabaho sa Japan, hindi lang bilang guro kundi pati sa hospitality at caregiving sector.
Katuwang sa programa ang Onodera User Run Ltd., isang lehitimong organisasyon na nagbibigay ng suporta mula training, job placement, hanggang daily life assistance sa Japan.
“Mahalaga sa amin ang ligtas at maayos na recruitment process. Hindi lang basta padala ng tao sa abroad—dapat may suporta hanggang sa makapagsimula sila ng bagong buhay doon,” paliwanag ni Mayor Maan.
Dumalo rin sa event si Sakai Mayor Masahiro Hashimoto, na nagpahayag ng suporta at pangakong palalalimin pa ang edukasyon at kooperasyon sa pagitan ng Marikina at Sakai.
“Patuloy naming susuportahan ang pag-develop at pagpapalaganap ng Japanese education dito sa Marikina,” ani Mayor Hashimoto sa wikang Ingles.
Present din sa programa sina PLMar President Dr. Franklin E. Ayuson, Mr. Naobumi Yokota ng Embassy of Japan, Onodera User Run President Mr. Jun Kato, at mga opisyal mula sa Institute of Global Business Strategies at JETRO Manila.
