IBINASURA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang batas na layong gawing National Polytechnic University (NPU) ang Polytechnic University of the Philippines (PUP), ayon sa pahayag ng Malacañang nitong Biyernes.
Ayon kay Press Officer Claire Castro, ibinasura ng Pangulo ang panukala dahil sa kakulangan ng kinakailangang assessment na ipinag-utos pa noong 2016.
“Ang panukalang batas ay na-veto dahil may umiiral nang direktiba simula pa noong 2016 para sa isang assessment. Sa ngayon, mukhang hindi pa ito nasusunod,” ani Castro sa isang press briefing.
Bagamat tinanggihan ang panukala, nilinaw ng Palasyo na positibo pa rin ang pananaw ng Pangulo sa kinabukasan ng PUP.
“Patuloy na umaasa ang Pangulo na mararating ng PUP ang pagiging isang pambansang unibersidad sa oras na makumpleto na ang lahat ng kinakailangang proseso,” dagdag ni Castro.
Hindi na idinetalye ni Castro ang partikular na mga dahilan ng veto.
Kung naisabatas sana, magiging pangunahing mandato ng NPU ang pagbibigay ng mataas na antas ng instruksyon sa mga larangan ng engineering, arkitektura, applied sciences, at iba pang polytechnic programs. Pinapayagan din sana nitong magtatag ng mga extension campuses, basta’t may maayos na lupain at pasilidad bago ito magsimulang tumanggap ng mga estudyante.
Ang pagkaka-veto ng panukala ay umani na ng reaksyon mula sa mga tagasuporta ng PUP, na matagal nang nananawagang kilalanin ito bilang isang pambansang unibersidad.
