Kung may isang taong lubos na nakakakilala kay Manny Pacquiao sa personal at propesyonal na antas, walang iba kundi si Buboy Fernandez — matalik na kaibigan, kababata, at matagal nang trainer ng “Pambansang Kamao.”
Mula sa pagiging stowaway sa barko papuntang Maynila para takasan ang kahirapan, hanggang sa pagsikat sa Las Vegas bilang isa sa pinakamahuhusay na boksingero sa mundo, magkasangga sa hirap at ginhawa sina Pacquiao at Fernandez. At ngayon, habang muli na namang haharap sa ring si Pacquiao sa edad na 46 kontra sa mas batang WBC welterweight champion na si Mario Barrios, buo ang tiwala ni Fernandez sa kakayahan ng kanyang kaibigan.
“Normal lang magduda ang mga taong nagmamalasakit kay Manny,” ani Fernandez mula sa Wild Card Gym sa Los Angeles kung saan isinasagawa ang final training camp.
“Pero ako mismo ang makakapagsabi kung bumagal na siya. Kung kailangan na naming huminto. Pero sa edad niyang 46, wala pa akong nakikitang pagbagal. Wala siyang kapaguran.”
Ayon pa kay Fernandez, hindi edad kundi dedikasyon at disiplina ang tunay na batayan ng kakayahang lumaban. At sa loob ng higit isang buwang training, hindi umano nakita kay Pacquiao ang tipikal na sintomas ng aging athlete — ang katamaran.
Hindi rin biro ang hamon: Si Barrios ay 36 anyos, mas matangkad sa taas na anim na talampakan, at aktibo sa laban kumpara kay Pacquiao na huling lumaban noong 2021 sa pagkatalo kay Yordenis Ugas. Kaya’t natural na paborito si Barrios sa mga pustahan.
Ngunit hindi nagpadaig si Fernandez sa yabang ng kampo ni Barrios, lalo na matapos i-deklarang “game over” na raw para kay Pacquiao ng Mexican-American trainer na si Bob Santos.
Mabilis ang tugon ni Buboy: “Sabihin mo sa kanila, maghanda sila. Darating na ang bagyo mula sa Pasipiko.”
Ang pagbabalik ni Pacquiao sa entablado ng boxing ay inaasahang magpapayanig muli sa buong mundo — dala ang puso ng isang tunay na mandirigmang Pilipino. (RON TOLENTINO)
