MABILIS na nasukol ang isang lalaki matapos ireklamo ng panggagahasa at pagnanakaw sa isang masahista at mahulihan ng illegal na droga kasama ang isa pa sa ikinasang follow-up operation ng Pasig Police Station sa Brgy. Maybunga, Pasig City.
Ayon kay PCol Hendrix Mangaldan, tinarget ng suspek na si alyas “Dex” ang 22-anyos na massage therapist na si alyas Mae matapos umanong magpa-book ng massage session sa nasabing lugar.
Napansin umano ng biktima na balisa si “Dex” at panay silip nito sa bintana. May nakita rin siyang gamit na aluminum foil sa may pinto na pinaghihinalaang drug paraphernalia, ngunit itinuloy pa rin ang serbisyo.
Inalok umano siya ng alak ng suspek, na naging dahilan upang mawalan siya ng malay.
Nagising na lamang ang biktima na hubo’t hubad, nagkalat ang kanyang mga gamit at nawawala ang kanyang cellphone at wallet na may lamang pera at mga ID.
Agad na nagsumbong ang biktima, sa tulong ng unit owner na si “Christine,” sa mga awtoriad.
Mabilis namang nagsagawa ng joint operation ang Follow-Up Section at Rosario Police Sub-Station 7 na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek.
Nasamsam sa mga ito ang limang sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 12 gramo at nagkakahalaga ng P81,600, at isang Samsung S10 na kinilala ng biktima na kanya.
Dinala ang mga suspek sa EPD Forensic Unit at Rizal Medical Center para sa drug test, laboratoryo, at medikal na pagsusuri.
Sa malalimang imbestigasyon, lumabas na may modus si “Dex” kung saan gumagamit siya ng iba’t ibang pangalan at ID upang makapang-biktima ng mga therapist.
Patuloy rin ang koordinasyon ng Women and Children Protection Desk (WCPD) sa naunang biktima na napaulat na ninakawan rin ng parehong suspek. Samantala, si “Nani” ay may naitalang kaso ng droga noong Setyembre 9, 2021.
Nahaharap ang dalawa sa kasong paglabag sa Anti-Rape Law, Robbery, at Comprehensive Dangerous Drugs Act. Sa ngayon ay nakakulong sila sa Pasig Custodial Facility habang hinihintay ang inquest proceedings sa Pasig City Prosecutor’s Office.
