Tatlong suspek sa pagpatay sa isang Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver ang pormal na ipinrisinta sa media nitong Miyerkules, Hulyo 10, sa Manila City Hall, sa pangunguna ni Mayor Francisco “Isko” Domagoso.
Ang biktima ay huling namataan noong Mayo 18 sa Parañaque City matapos magsakay ng tatlong pasahero gamit ang isang ride-hailing app.
Ilang araw matapos ang kanyang pagkawala, natagpuan ang kanyang sasakyan sa Valenzuela City — iniwan at walang laman. Sa pamamagitan ng dash cam footage, kinumpirma ng mga awtoridad ang pagkamatay ng drayber.
Ayon sa imbestigasyon, ang tatlong suspek — pawang residente ng Tondo, Maynila — ay kusang loob na sumuko sa Northern Police District at kalaunan ay itinurn-over sa Manila Police District (MPD).
Sa harap ng media, tumanggi ang mga suspek na sagutin ang karamihan sa mga tanong at iginiit na magsasalita lamang sila sa National Bureau of Investigation (NBI) habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.
Gayunpaman, sa tanong kung bakit nila nagawa ang krimen, isang suspek ang maiksing tumugon:
“Nadisgrasya lang po.”
Patuloy pa ang imbestigasyon sa motibo ng krimen, subalit lumulutang na ang pagnanakaw bilang isang posibleng dahilan. Kasalukuyang nire-review ng mga imbestigador ang dash cam footage at iba pang forensic evidence upang buuin ang kaso.
Muling binuhay ng insidenteng ito ang mga panawagan para sa mas mahigpit na safety protocols para sa mga TNVS drivers. Ilang grupo ang nananawagan sa mga ride-hailing platforms at sa pamahalaan na ipatupad ang mas maigting na passenger verification at emergency response systems upang maiwasan ang ganitong trahedya.
Nakikipagtulungan na ang MPD at NBI upang makumpleto ang kaso at maisampa ang nararapat na mga kaso laban sa mga suspek.
