
MANILA – Malugod na tinanggap ni Senator Joel Villanueva ang inaprubahang ₱50 dagdag sa minimum wage sa Metro Manila, ngunit muling iginiit ang pangangailangan ng isang mas sistematikong at makataong “living wage” policy upang matiyak ang disenteng pamumuhay para sa bawat manggagawang Pilipino.
Bilang Chair ng Senate Committee on Labor, binigyang-diin ni Villanueva na ang kanyang panukalang “Living Wage Act” ay magsisilbing pandagdag at pangmatagalang solusyon sa isinusulong na legislated wage hike, na naipasa na ng parehong kapulungan sa 19th Congress.
“Tinatanggap natin ang magandang balita para sa ating mga manggagawa sa NCR. Pero ang layunin ng Living Wage Act ay tiyaking may batayang makatao ang pagtatakda ng sahod—na ito’y sapat para sa disenteng pamumuhay saan mang bahagi ng bansa,” ayon kay Villanueva.
Sa kasalukuyang sistema, tumutugon lamang ang Regional Wage Boards sa mga petisyon mula sa mga grupo ng manggagawa. Layon ng panukala ni Villanueva na bigyang kapangyarihan ang mga board na magsagawa ng regular na pagsusuri sa minimum wage gamit ang living wage criteria, kahit walang petisyong isinampa.
“Gusto nating palakasin ang kakayahan ng mga regional wage boards gamit ang tamang datos, at itinatama ang kasalukuyang kakulangan sa proseso,” aniya.
Inamin din ni Villanueva na hindi praktikal ang iisang wage rate para sa buong bansa, dahil sa magkakaibang antas ng imprastraktura, negosyo, at oportunidad sa mga malalayong lugar. Ngunit aniya, kung magkakaroon ng iisang formula batay sa “living wage”, mas magiging makatarungan ang pagtaas ng sahod.
“Para sa akin, pinakamahalaga ang pagkakaroon ng living wage criteria. Dahil kung dito ibabatay ang minimum wage, matutugunan nito ang tunay na pangangailangan ng mga manggagawa para sa isang disenteng pamumuhay,” dagdag niya.
Ang panukala ay mag-aamyenda sa Labor Code upang gawing pangunahing batayan sa pagtukoy ng minimum wage ang konsepto ng living wage, sa halip na simpleng review trigger lamang ito.
“Sa huli, ang Living Wage Policy ay isang hakbang patungo sa isang makatao at inklusibong sistemang paggawa, na kinikilala ang tunay na halaga ng bawat manggagawang Pilipino,” ayon sa senador.
Inihayag ni Villanueva ang kahandaang talakayin ang panukala sa committee level sa lalong madaling panahon. Aniya, ang pagpapatibay ng polisiya ay hindi lamang para sa mga kasalukuyang manggagawa, kundi para rin sa kinabukasan ng lakas paggawa ng bansa. (ARSENIO TAN)
