
MANILA – Isang Saudia Airlines flight patungong Jeddah ang ligtas na nagbalik at nakalapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong madaling araw ng Hulyo 3 matapos makaranas ng aberya sa weather radar system ng eroplano.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), dakong 12:51 a.m. nang makatanggap ng ulat ang kanilang Operations Center mula sa Manila Area Control Center na ang Flight SVA 871, na umalis sa NAIA noong 11:00 p.m. ng Hulyo 2, ay muling ibinalik sa paliparan dahil sa teknikal na problema.
Ligtas itong nakalapag sa NAIA bandang 1:25 a.m. at kasalukuyang naka-park sa remote parking area ng Terminal 1.
Sinabi ni CAAP spokesperson Eric Apolonio na patuloy ang kanilang koordinasyon sa airline at iba pang aviation authorities upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at ang operational readiness ng mga paliparan.
Ipinabatid din ng Saudia Airlines na nabigyan ng hotel accommodation at pagkain ang mga apektadong pasahero. Nakatakda ang bagong biyahe patungong Jeddah na umalis muli sa parehong araw, Hulyo 3, alas-11:00 ng gabi mula sa NAIA Terminal 1.
Walang naiulat na nasaktan sa insidente. (ARSENIO TAN)
