
ARESTADO ang isang babaeng miyembro ng isang criminal group at itinuturing bilang high-value individual (HVI) nang kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City.
Ayon kay P/Capt. Regie Pobadora, OIC chief ng District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD), ikinasa nila ang buy bust operation, sa koordinasyon sa PDEA kontra kay alyas “Mayang”, 41, listed/drug personality.
Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon ang DDEU hinggil sa umano’y pagbebenta ng ilegal na droga ng suspek hanggang sa magawang makipagtransaksyon sa kanya ng isa sa mga tauhan ni Capt. Dorado.
Dakong alas-7:18 ng umaga nang maaresto ang suspek ng mga operatiba ng DDEU matapos bintahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa Brgy. Bignay, ng lungsod.
Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 12 grams ng hinihinalang shabu na may estimated street value na P81,000 at buy bust money.
Kasong paglabag sa Sections 5 at 11 under Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isinampa ng pulisya laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office sa pamamagitan ng inquest proceedings.
Pinuri naman ni P/BGen. Arnold Abad, Acting District Director ng NPD, ang mga operatiba sa kanilang mabilis na pagkilos at walang humpay na pangako sa paglaban sa ilegal na droga.
