
Maagang nalaglag si Alex Eala sa Wimbledon Championships, ngunit iniwan niya ang isang matinding impresyon sa defending champion na si Barbora Krejcikova at sa buong Centre Court crowd, Martes, Hulyo 1.
Sa kanilang two-hour, 10-minute showdown, bumilib ang 17th-seeded Czech star kay Eala matapos ang kanilang intense three-set battle, 3-6, 6-2, 6-1. Sa kabila ng pagkatalo, hinangaan ng two-time Grand Slam champion ang tapang at galing ng 20-anyos na Pinay.
“I would like to start by giving credit to Alex. I mean, what the hell she played in the first set,” ani Krejcikova sa post-match interview. “She was smashing the ball, cleaning the line. Wow, it’s the next generation coming.”
Nanguna si Eala sa unang set matapos magpakawala ng solidong forehands at aggressive baseline play. Nahirapan si Krejcikova sa kanyang serve at nagkamali ng 19 unforced errors. Ngunit bumawi ang Czech veteran sa ikalawa at ikatlong set sa pamamagitan ng malulupit na forehand winners at kontroladong opensa.
Samantalang si Eala, na nanggaling pa sa runner-up finish sa Lexus Eastbourne Open nitong weekend, ay nawalan ng consistency sa huling bahagi ng laban, naitala ang kabuuang 22 unforced errors sa huling dalawang set.
Gayunpaman, nakita ni Krejcikova ang potensyal ng Filipina. “She’s gonna come up. She’s gonna be really good in the couple of years,” dagdag pa ng Czech star.
Nagbigay naman ng standing ovation ang crowd nang lumabas si Eala sa court—isang malinaw na indikasyon na muling babalik ang Pinay tennis star sa prestihiyosong Wimbledon stage. Maging ang Rafa Nadal Academy, kung saan siya nagsasanay, ay nagpahayag ng suporta.
“Today, London has met you, @alex.eala. And it will be a relationship for many, many years to come! VAMOS!” ayon sa kanilang social media post.
Bagama’t hindi umusad sa second round, patuloy na pinapatunayan ni Eala na siya ang isa sa pinakainaabangang rising stars ng women’s tennis – isang tunay na pride ng Pilipinas sa world stage. (RON TOLENTINO)
