
QUEZON CITY — Pinapalakas ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), Million Trees Foundation, Inc. (MTFI), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at mga pribadong katuwang ang kanilang kampanya sa pagtatanim ng 15 milyon pang puno sa critical watershed areas sa buong bansa, kabilang ang Metro Manila, sa darating na 2030.
Ayon kay Melandrew Velasco, presidente ng MTFI, ang nasabing target ay sumusunod sa matagumpay na pagtatanim ng mahigit 9 milyong puno sa loob ng walong taon mula nang ilunsad ang programang A Million Trees Challenge (AMTC) noong 2017.
Inanunsyo rin na pagkakalooban ng pagkilala ang mga pangunahing katuwang na mga institusyon tulad ng San Miguel Corporation, Maynilad, at Manila Water sa darating na Recognition and Awarding Ceremonies sa Celebrity Club, Quezon City, sa darating na Hulyo 2, kasabay ng 2025 AMTC pledging session.
Inaasahang dadalo bilang keynote speaker si Acting DENR Secretary Raphael Lotilla, habang itataguyod din ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang lokal na programa nilang One Million Trees Project na target makamit ang pagtatanim ng isang milyong puno pagsapit ng 2028.
Ang AMTC ay naglalayong magtanim ng isang milyong puno kada taon sa mga mahahalagang watershed tulad ng Angat, Ipo, La Mesa, Upper Marikina, Wawa, Kaliwa, at Laguna Lake. Noong nakaraang taon, 31 katuwang ng MTFI ang nangakong magtatanim ng mahigit dalawang milyong puno sa buong bansa.
Ang programang ito ay bahagi ng pagsisikap na mapangalagaan ang mga pinagkukunan ng tubig at maprotektahan ang kapaligiran laban sa mga epekto ng climate change.
