
Tatlong suspek ang naaresto sa loob lamang ng dalawang minuto matapos makatanggap ng tawag ang 911 ukol sa isang robbery incident sa isang church construction site sa Barangay Bungad, Quezon City nitong umaga ng Hunyo 29, 2025.
Ang mabilis na operasyon ay alinsunod sa direktiba ni Chief PNP, Police General Nicolas D. Torre III na tiyakin ang agarang tugon at serbisyong makatao sa publiko. Pinangunahan ito ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa ilalim ng pamumuno ni Police Major General Anthony A. Aberin.
Dakong 7:05 AM, isang distress call ang natanggap matapos makita sa CCTV footage ang tatlong indibidwal na pilit na pinasok ang construction site ng isang simbahan sa kahabaan ng West Avenue at ninakaw ang mga copper tube ng air-conditioning system. Isang tricycle umano ang nagsilbing getaway vehicle ng mga suspek.
Sa loob lamang ng dalawang minuto, dumating sa pinangyarihan ng insidente ang isang mobile unit ng pulisya dakong 7:07 AM, na nagpapakita ng kahandaan at bilis ng deployment ng NCRPO sa mga oras ng panganib.
Sa tulong ng mga opisyal ng barangay at mga follow-up investigators, agad na ikinasa ang hot pursuit operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong suspek. Narekober rin ang tricycle na ginamit sa krimen.
Ayon kay PMGen Aberin, “Ang pagdating ng ating kapulisan sa loob ng dalawang minuto ay patunay na ang mamamayan ay hindi kailanman nag-iisa sa oras ng pangangailangan. Ito ang pamantayang patuloy naming isinusulong sa ilalim ng direktiba ng ating Chief PNP—mga pulis na alerto, visible, at handang tumugon 24/7.”
Itinatampok ng operasyong ito ang layunin ng NCRPO na maghatid ng serbisyong mabilis, tumpak, at mapagkakatiwalaan—bilang bahagi ng kampanya upang palakasin ang tiwala ng publiko sa kapulisan.
