
MALABON CITY – Sa mabilis na aksyon at pagtutulungan ng pulisya at mamamayan, matagumpay na naaresto ng mga tauhan ng Malabon City Police Station (MCPS) ang isang holdaper sa Barangay Potrero, madaling araw ng Hunyo 29, 2025.
Ang suspek, isang 37-anyos na lalaki mula sa Caloocan City, ay inaresto dahil sa kasong Robbery (Hold-up) at paglabag sa Batas Pambansa Blg. 6 matapos holdapin ang isang 20-anyos na lalaking helper mula sa South Cotabato.
Batay sa imbestigasyon, dakong 4:20 AM, naglalakad pauwi ang biktima sa kahabaan ng McArthur Highway kanto ng Inda Maria Street nang biglang lapitan at tutukan ng patalim ng suspek. Kinuha ang kanyang Infinix Hot 40i cellphone na nagkakahalaga ng ₱7,000 at agad na tumakas patungong Avocado Street.
Sa kabutihang palad, may mga nakasaksing residente na agad na humabol sa suspek at naabutan ito sa loob ng isang basketball court sa lugar. Tinawagan agad ang mga tauhan ng Sub-Station 1 ng MCPS, na siyang rumesponde at inaresto ang suspek dakong 4:35 AM.
Narekober mula sa kanya ang ninakaw na cellphone at ang 12-pulgadang patalim na ginamit sa krimen.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at sasampahan ng kaukulang kaso.
Pinuri ni Police Brigadier General Arnold E. Abad, Acting District Director ng Northern Police District, ang MCPS at mga opisyal ng barangay sa kanilang mabilis at koordinadong aksyon.
Ang insidente ay patunay sa bisa ng AAA Strategy (Able, Active, Allied) ng NCRPO sa ilalim ng pamumuno ni Police Major General Anthony A. Aberin, na layong palakasin ang kakayahan ng kapulisan, isulong ang mga proaktibong operasyon, at pagtibayin ang ugnayan sa komunidad para sa mas ligtas na Metro Manila.
